GMA Kapuso Foundation, naghatid ng bubong sa mga mangingisda sa Limasawa Island | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng bagong bubong ang GMA Kapuso Foundation sa mga mangingisdang nasalanta ng bagyong Odette sa Limasawa Island.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng bubong sa mga mangingisda sa Limasawa Island

By MARAH RUIZ

Hanggang ngayon, apektado pa rin ng pananasalasa ng bagyong Odette ang mangingisdang si Bryan Brillones na mula sa Limasawa Island sa Southern Leyte.

Nasira kasi ang bangka niya dahil sa bagyo.

"Naapektuhan 'yung panghanap-buhay. Sa ngayon, hindi ko na nagagamit [ang bangka] kasi dapat ma-repair 'yun eh," lahad ni Bryan.

Bukod sa pagkasira ng kanyang bangka, pinatumba rin ng bagyong Odette ang kanyang tahanan. Dahil walang masisilungan, hindi na nakauwi noong nakaraang Pasko ang mga anak niya na nakatira sa Davao.

"Matagal po 'yung pinag-ipunan ko para magkabahay tapos nasira lang," kuwento niya.

Isa si Bryan sa mga mangingisdang nahandugan ng GMA Kapuso Foundation ng bagong bubong sa ilalim ng Silong Kapuso project kung saan naghatid ng yero, kahoy, roofing materials at food packs sa isla ng Limasawa.

Sa tulong ng kasundaluhan, naikabit na ng ilang mga residente ang bagong bubong para sa kanilang mga tahanan.

"Mga anak ko, 'yung bahay ko naayos na. 'Pag uuwi kayo dito, may maituturing nang sariling atin," mensahe ni Bryan sa kanyang mga anak.

 


Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa proyekto ng Philippine Army, 802nd Infantry Brigade, 93rd Infantry Battalion, 546th Engineer Construction Battalion; Philippine Coast Guard-Eastern Visayas; AFP Visayas Command; at Municipality of Limasawa, Southern Leyte.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.