GMA Kapuso Foundation, nabigyan ng bagong bubong ang nasa 100 pamilya sa Limasawa Island | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nasa 100 pamilyang nasalanta ng Bagyong Odette sa Limasawa Island ang nabigyan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nabigyan ng bagong bubong ang nasa 100 pamilya sa Limasawa Island

By MARAH RUIZ

Nanghihinayang ang 73 taong gulang na si Guillermo Cablitas mula sa Limasawa Island, Southern Leyte dahil pinatumba ng Bagyong Odette ang bahay na mahigit 30 taon na niyang tinitirahan.

Sa ngayon, sa maliit na espasyo sila nakatira ng kanyang asawa.

"Saan na tayo titira ngayon? Wala na tayong bahay. Wala naman tayong mga anak na hihingian ng tulong. Tayo lang dalawa," paggunita ni Guillermo.

May nagmagandang loob at pinayagan si Guillermo na magtayo ng tirahan sa kabilang lupa pero hindi pa sila makalipat dito. Puro kahoy pa lang kasi ang nailalagay ni Guillermo dahil wala pang sapat na pera pambili ng bubong.

"Hindi ko alam kung gaano pa katagal kasi wala naman kaming pera," aniya.

Isa si Guillermo sa mga natulungan sa pagpapatuloy ng Silong Kapuso proect ng GMA Kapuso Foundation.

Sa ilalim nito, nakapagpamahagi ang GMA Kapuso Foundation ng yero, kahoy, roofing materials at food packs para sa 100 pamilya ng Brgy. San Agustin.

Kinabitan na rin ang bubong sa tinatayong tirahan ni Guillermo.

 

Silong Kapuso Project

 

"Excited kami na buo na ang bahay namin para maayos na 'yung paghiga namin. Masakit na 'yung katawan ko, hindi na kami makakilos doon," bahagi niya.

"Maraming maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation, pati sa iba't ibang mga sponsor po na 'yung mga tao dito, 'yung mga kabahayan, natutulungan po na makabangon," mensahe ni Marie Ann Dagohoy Kangleon ng MDRRMO.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa Silong Kapuso Project ng AFP Visayas Command; Philippine Army 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, 93rd Infantry Battalion, 546th Engineer Construction Battalion; Philippine Coast Guard-Eastern Visayas; at Municipality of Limasawa, Southern Leyte. 

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.