March 21 2022
Bukod sa pangingisada, ang pag-aalaga ng hayop ang isa sa mga ikinabubuhay ng mga residente ng Limasawa Island.
Ayon sa talaga ng Department of Agriculture, mahigit P41M ang pinsalang naidulot ng bagyong
Odette sa agrikultura at pangingisda sa isla.
"Maraming namatay na mga hayop kasi after Odette wala ring pagkain, wala ring feeds. Kaya 'yung iba, kinatay na lang para mapakinabangan," paliwanag ni Trifon Jun F. Solana, agricultural technologist in livestock.
Isa sa mga naapektuhan dito si Salome Dadios na 10 taon nang nag-aalaga ng manok at baboy. Magpagkakakitaan na sana niya ang mga alagang manok pero biglang humagupit ang bagyo.
"Lugi kami dahil sa bagyo, namatay sila. Mabuti na lang, may nabuhay pa," kuwento ni Salome.
Planong bumili ni Salome ng broiler chicken na nagkakahalaga ng P30 to P50 para maalagaan at kalunan ay maibenta. Problema lang niya ang patuka dahil bukod sa mahal, kailangan pa niyang tumawid ng isla para makabili.
Para tugunan ito, nakipagtulungan ang GMA Kapuso Foudnation at Vitarich Corporation para maghatid ng food packs at tig-iisang sakong chicken feed sa 180 residente ng Brgy. San Bernardo at Brgy. Triana sa Limasawa Island kung saan pagbubukid ang karamihang hanapbuhay ng mga residente.
"Napakahalaga 'yung binigay ng GMA Kapuso Foundation at ng Vitarich Corporation na feeds kasi para itong panibagong simula ng ating small backyard farmers dito sa barangay," lahad ni Trifon.
"Malaking tulong ang ibinigay n'yo sa amin. 'Pag binili namin ito, mahal ang presyo," pasasalamat naman ni Salome.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Municipality of Limasawa, Southern Leyte; Vitarich Corporation; at Meridian Shipping and Container Carrier, Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments