GMA Kapuso Foundation, namigay ng bagong bubong sa Buenavista, Bohol | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Isang daang residente ng Buenavista, Bohol, ang nabigyan ng GMA Kapuso Foundation ang bagong bubong

GMA Kapuso Foundation, namigay ng bagong bubong sa Buenavista, Bohol

By MARAH RUIZ

Dahil sa pananalasa ng bagyong Odette sa Buenavista, Bohol, apektado ang kabuhayan ng mangingisdang si Emmanuel Neusana.

Simula noong 12 taong gulang pa lang siya, bangka na ang kasangga niya sa paghahanap-buhay. Pero dahil sa bagyo, isang bangka na lang ang natira sa tatlong bangkang pag-aari niya.

Bukod dito, nawasak din ang kanyang tahanan.

"'Yung bahay ko sa likod, wala na. Mga semento at flooring, nasira na. Laht ng gamit, nawala," paggunita niya.

Gayunmanan, patuloy sa paghanap-buhay si Emmanuel.

Bilang regalo sa papalapit niyang kaarawan, pinalitan ng GMA Kapuso Foundation ang mga marupok na yero ng kanyang bahay, sa ilalim ng Silong Kapuso project.

Kabilang siya sa 100 residente na binigyan ng GMA Kapuso Foundation ng bagong bubong at grocery packs sa Brgy. Asinan, Brgy. Hunan, at Brgy. Cruz sa Buenavista, Bohol.

 

 

"Maraming salamat sa GMA Kapuso Foundation at sa mga sundalo na tumulong sa amin," mensahe ni Emmanuel.

Paglilinaw din ni GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco na walang bahid ng pulitika ang Silong Kapuso project.

"Ang ating ginamit na pondo sa proyektong ito ay galing sa mga donasyon ng taong bayan at walang kaugnayan sa kahit sinomang pulitiko. Tayo ay walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, serbisyong totoo lamang at lalong walang kandidatong sunusportahan," pahayag niya.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Philippine Army 3rd Infantry Division, 47th Infantry Battalion, Charlie Company, 53rd Engineer Brigade, 702nd CDC, 7RCDG, RESCOM; Buenavista Community College ROTC Unit, Philippine Army Reserve; Nueva Montana Detachment, Delta Company (CAFGU); at Philippine Span Asia Carrier Corporation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito:
http://www.gmanetwork.com/kapusofoundation/donate

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.