March 29 2022
Kinailangan lumikas ang mga residente na malapit sa bulkang Taal dahil sa muling pag-aalburoto nito.
Agad namang naghanda at bumiyahe patungong Batangas ang GMA Kapuso Foundation para magbigay ng tulong sa mga inilikas na pamilya.
Pangatlong beses nang lumikas ni Julia Guillermo, mula sa Barangay Bilibinwang sa Agoncillo, Batangas dahil sa pag-aalburoto ng bulkan nitong Sabado.
Ginunita niya ang karanasan niya noong January 2020 kung saan kinailangan nilang lumikas dahil sa volcanic activity ng bulkang Taal.
"'Yung una pong pagputok ng bulkan, umahon kami ng bundok ng halos tatlong oras," kuwento ni Julia.
Bukod sa mahabang nilakad, inatake pa siya ng hika pero nagpatuloy sa paglikas para makaligtas sila ng kaniyang mga kasamahan.
Taong 2020 rin noong ibinenta na lang nila ang mga alagang hayop sa murang halaga kaysa hindi mapakinabangan.
Nananalangin daw siya na ito na ang huling beses na mag-aalburoto ang Taal. May panawagan din siya.
"Pagkain, gamot tapos ayan po, 'yung higaan. Halos wala kaming higaan. Banig lang po na naka latag sa sahig, eh 'yung semento malamig 'yan," pahayag ni Julia.
Kabilang siya sa 3,068 residente sa munisipalidad ng Agoncillo at Balete sa Batangas na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng food packs, hygiene kits, at N95 face masks sa ilalim ng Operation Bayanihan.
"Marami pong salamat. Makakatulong po sa amin 'yung mga delata, 'yung mga bigas, 'yung mga sabon. Sa GMA Kapuso Foundation, maraming maraming salamat po," mensahe ni Julia.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundatino sa Operation Bayanihan ang Philippine Army 2nd Infantry Divison, 9th Infantry Battalion, at PNP Agoncillo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus