GMA Kapuso Foundation, ipinagawa ang bubong ng magkakapatid na nakasilong sa pinaglumaang banig | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa ilalim ng Silong Kapuso project, namahagi ang GMA Kapuso Foundation matitibay na roofing materials sa Buenavista, Bohol.

GMA Kapuso Foundation, ipinagawa ang bubong ng magkakapatid na nakasilong sa pinaglumaang banig

By MARAH RUIZ

Tuloy ang pag-aaral at pagsisikap ng limang anak ni Melanie dela Paz mula sa Brgy. Hunan, Buenavista sa Bohol.

Bakas pa sa kanilang tahanan ang hagupit ng bagyong Odette at pansamantalang sumisilong sila sa pinaglumaang banig para masagutan ang kanilang modules.

"Nagtitiis lang, survive lang talaga para makatapos sa [pagsagot] ng module. 'Pag umuulan, doon kami sa taas," pahayag ng kanilang ina na si Melanie.

Tatlong buwan na ang nakakalipas simula noong tumama ang bagyong Odette sa kanilang lugar pero hindi pa rin naipapaayos ni Melanie at ng kaniyang asawa ang kanilang bahay.

Taga-buhat sa palengke ang ang kaniyang mister at kumikita ng P150 kada araw.

"Pinagkakasya na lang namin kasi mahirap tlaaga ang buhay," naluluhang bahagi ni Melanie.

Bilang tulong, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation ang kanilang bubong sa ilalim ng Silong Kapuso project na isinagawa nito sa Brgy. Hunan, Buenavista, Bohol.

 

 

"Nagpapasalamat ako na hindi na sila mahihirapan sa pagmo-module kasi mayroon nang bubong ang bahay namin," pasasalamat ni Melanie.

Bukod sa bubong, inabutan din sila ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang 53rd Engineer Brigade, 702nd CDC, 7RCDG, RESCOM; Philippine Army 3rd Infantry Division, 47th Infantry Battalion, Charlie Company; F2N Marketing - Theobroma C; Buenavista Community College ROTC Unit, Philippine Army Reserve; at Nueva Montana Detachment, Delta Company.

Paglilinaw din ni GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco na walang bahid ng pulitika ang Silong Kapuso project.

"Ang ginamit na pondo sa proyektong ito ay galing sa mga donasyon ng taong bayan at walang kaugnayan sa kahit sinomang pulitiko. Tayo ay walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, tanging serbisyong totoo lamang. Wala po tayong kandidatong sinusportahan," pahayag niya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.