GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng pap smear at breast exam para sa women vegetable farmers | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ngayong Women's Month, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng mga regalo sa women vegetable famers mula sa Buguias, Benguet.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng pap smear at breast exam para sa women vegetable farmers

By MARAH RUIZ

Kilala ang Buguias, Benguet bilang isa sa mga lugar na nagsu-supply ng highland vegetables tulad ng carrots, cabbage, at pechay sa Pilipinas.

Malaking hamon sa vegetable farmers dito ang pabago-bagong klima. Isa sa mga ito si Mamielyn Lalio.

"Nasisira din ang mga tanim namin kasi nalulunod sila. 'Yung iba, kapag malakas 'yung hangin, may bagyo, natutumba," kuwento ni Mamielyn.

Noong 2019, sinubukan ni Mamielyn na gumawa ng bagong produkto tulad ng potato chips mula sa mga inaning patatas para madagdagan ang kita. Pero nagsisimula pa lang siya dito nang tumama ang pandemic.

Kaya naman doble kayod siya sa pagtatanim ngayong new normal. Dahil dito, napapabayaan niya ang kanyang kalusugan.

"Bihira talaga sa aming mga farmers 'yung magpapatingin ka kung may nararamdaman na. Kung kaya mong tiisin, pwede na," pahayag ni Mamielyn.

Isa si Mamielyn sa mga vegetable farmers na hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng iba't ibang regalo ngayong Women's Month.

 

GMA Kapuso Foundation

Bilang pagpapahalaga sa kanila, hatid ng GMA Kapuso Foundation ang grocery packs, pastries, at hygiene kits sa 75 kababaihan sa Buguias, Benguet.

Bukod dito, may libreng medical consultation, breasts examination, at pap smear din para sa kanila.

"Ang pap smear, importante 'yun para makita kung may problema sa cervix ng babae. Sa breast examination naman, at least nakikita natin kaagad kung may problema at saka para maiwasan din 'yung breast cancer," paliwanag ni Miriam Lasegan, medical director ng Lutheran Hospital.

"Thank you so much because sa liblib naming lugar talagang pinuntahan n'yo 'yung mga tulong sa amin," pasasalamat ni Mamielyn.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Theobroma Brown Coffee by DCGS Enterprise sa pakikiisa sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.