Tatay na may kapansanan, kabilang sa mga nabigyan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kabilang ang isang tatay na may kapansanan sa mga nabigyan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation sa Bohol.

Tatay na may kapansanan, kabilang sa mga nabigyan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Sa kabila ng kanyang kapansanan, masipag pa rin tinataguyod ni Victor Himagan, mula sa Brgy. Cruz sa Buenavista, Bohol ang kanyang pamilya.

Tatlong taong gulang siya nang tamaan siya ng polio. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa buhay niya.

"Three years, 50 years wala, sariling sikap. Akin 'yun, pinaghirapan ko para lang mabuhay 'yung pamilya ko. Pero okay naman siya, surviving naman kasi mayroon naman tayong Maykapal," pahayag ni Victor.

Katuwang niya ang asawa niyang si Arlene na naglalako ng prutas sa palengke. Ang kinikita ni Arlene ang pangtustos nila sa araw-araw.

Kabilang ang bahay ni Victor sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

"Kawawa naman mga bata ko eh. Pati mga module, mga [gamit] nila diyan, nasisira sa palaging ulan," kuwento niya.

Agad siyang tinulungan ng GMA Kapuso Foundation at kinabitan ng bago at mas pinatibay ng bubong. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon sila ng yero matapos ang bagong Odette.

"Masayang-masaya ako dahil nandito kayo kasama 'yung mga tropa. Pasalamat ako sa GMA," mensahe niya.

Isa ang pamilya ni Victor sa 100 pamilya na nabigyan ng matibay na bubong, kahoy, roofing materials at grocery packs sa Brgy. Asinan, Hunan at Cruz sa Buenavista, Bohol sa ilalim ng Silong Kapuso project.
 

 

 

Paglilinaw din ni GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco na walang bahid ng pulitika ang Silong Kapuso project.

"Ang ating ginamit na pondo sa proyektong ito ay galing sa donasyon ng mga taong bayang nagmamalasakit at walang kaugnayan sa kahit sinomang pulitiko. Tayo ay walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, serbisyong totoo lamang. Wala po tayong kandidatong sinusportahan," pahayag niya.

Katuwang naman ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 3rd Infantry Division, 47th Infantry Battalion, 3rd Engineer Brigade, 702nd CDC, 7RCDG, RESCOM;  Buenavista Community College ROTC Unit, Philippine Army Reserve; Nueva Montana Detachment, Delta Company; at First Aid.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.