Tulong mula sa GMA Kapuso Foundation, nakapagpalago ng negosyo ng ilang kababaihan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dalawang kababaihan ang hinandugan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation noong Women's Month para sa kanilang mga negosyo.

Tulong mula sa GMA Kapuso Foundation, nakapagpalago ng negosyo ng ilang kababaihan

By MARAH RUIZ

Tatlong linggo na ang nakakalipas nang handugan ng GMA Kapuso Foundation ng refrigerator si Fermina Macallan mula sa Cavite.

Sumulat siya sa GMA Kapuso Foundation para humingi ng tulong para sa kaniyang maliit na food business.

Ngayon, malaki na ang pinagbago ng kaniyang munting negosyo.

"Noong dumating 'yan, nagpuhunan ako ng P1,000 so 'yun ang umiikot," bahagi ni Fermina.

Karamihan ng ibinebenta niya noon ay pritong pagkain. Nadagdagan na ito ngayon ng burger, palabok, potato chips, at marami pang mga putahe na patok sa kaniyang customers.

Sa unang araw ng kaniyang pagtitinda, umabot ng P900 ang kaniyang kinita.

Pino-post online ng anak ni Fermina na si Veronica ang mga luto niya. Siya rin ang nagde-deliver ng mga ito.

"Talagang lakad lang. Kung saan man 'yung block nila, anong phase nila, hahanapin ko 'yun," kuwento ni Veronica.

Lima hanggang 10 bahay ang pinuputahan niya para makatulong sa ina.

"[Gusto kong] lumago siya. Gusto ko talagang makilala si mama noon pa sa larangan ng pagluluto," aniya.

 

 

Samantala, nahadugan naman ng GMA Kapuso Foundation ng pustiso at gamit pang rebond si Geraldine Escoton sa Antipolo.

Bumalik na ang kumpiyansa niya sa sarili at marami na rin siyang customers sa kaniyang home service rebonding.

Umabot na ng P1,500 ang kinita niya dahil sa pagre-rebond ng buhok.

"Sa lahat ng sponsor ng GMA Kapuso Foundation, nagpapasalamat po ako sa inyo sa binigay n'yo po sa aking tulong, mga gamit," pahayag ni Geraldine.

"Mga Kapuso, maraming salamat sa inyong donasyon. Tayo'y nakapaghatid ng baong pag-asa para sa mga kababaihan na nagpupursigi sa buhay," mensahe ni GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Hanabishi sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.