GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang ginang na may bukol sa dibdib | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang isang ginang na walong buwan nang dinadaing ang bukol sa dibdib.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang ginang na may bukol sa dibdib

By MARAH RUIZ

Bilang pagdiriwang ng Women's Month noong nakaraang March, nagsagawa ang GMA Kapuso Foundation ng libreng one-on-one medical consultation, breast exam, at pap smear para sa mga kababaihan ng Sta. Barbara sa Pangasinan.

Isa sa mga nagpakunsulta si Teofanes Kasil, 48 years old.

Walong buwan na simula noong may nakapa siyang bukol sa kanyang dibdib at ngayon ay nakakaramdam na rin siya ng pangingirot.

 

 


Nagtitinda siya ng balut at ihaw-ihaw, habang ang asawa niyang si Buddy Dalope ay nagtatrabaho bilang security guard.

Gusto man siyang ipatingin ng asawa, kulang ang kinikita nitong PhP300 kada araw.

"Kahit na mamatay na ako basta huwag ka lang mamatay, sabi ko, kasi mahal na mahal ko 'yung asawa ko," sambit ng emosyonal na si Buddy.

Anim ang kanilang anak at lahat ng mga ito ay nag-aaral pa kaya hindi pa nakakapagpatingin sa doktor si Teofanes.

"Gusto kong magpa-check up pero nasasayangan ako. Gusto ko 'yung pangangailangan muna namin bago 'yung sa akin," aniya.

Agad siyang tinulungan ng GMA Kapuso Foundation at binigyan ng grocery packs, hygiene kits, face mask, at vitamins. Bukod sa mga ito, ipinasuri din siya sa isang espesyalista.

"Hindi pa naman malaki 'yung bukol. Movable naman upon examination. Though my concern is mayroon din kasi siyang kulani sa kili-kili. Pero hindi pa rin natin masasabi kung cancer siya," paliwanag ni Dr. Roda Lure Cachin-Imperio, Medical Officer III sa Region I Medical Center.

Sumailalim din sa biopsy so Teofanes para malaman kung cancerous o hindi ang bukol niya.

"Kung ano man itong resulta ng aking examination, sana po may tumulong kasi gusto ko pa makita 'yung mga anak ko," mensahe ni Teofanes.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Airlines Foundation at Region I Medical Center.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Teofanes at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.


Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.