GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga binaha sa Agusan del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Agusan del Sur.  

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga binaha sa Agusan del Sur

By MARAH RUIZ

Binaha ang Bunawan, Agusan del Sur dahil sa walang tigil na buhos ng ulan noong nakaraang linggo.

Ayon sa tala ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Bunawan, mahigit 1,500 pamilya ang kinailangan lumikas dahil sa matinding pagbaha.

Hindi pa rin humuhupa ang baha sa Brgy. San Marcos kaya kailangang gumamit ng bangka ng mga residenete

Isa na dito si Jennifer Durado, 50 years old.

"Lalong nahirapan kami kasi 'yung mga tanim namin, 'yung mga pangkuha ng dalag, na-wash out. Hirap na hirap na kami," pahayag niya.

Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay niya at dahil sa baha, hirap siyang mabenta ang kanyang mga huli.

"Ang mga negosyo namin, walang pumunta dito na mamimili kasi malalim ang tubig doon sa kalsada. Hindi sila makapasok. Ang mga tao po, hirap sa pagkain dahil ang kita nilang dalag walang bumibili," paliwanang ni Jennifer.

Kahit na masama pa ang panahon, agad na naghatid ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa mga apektadong residente sa Bunawan.

 

 


Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 10th Infantry Division, 67th Infantry Battalion, 1502nd Community Defense Center, Ready Reserve Infantry Battalion; Municipal Police Station-Bunawan; Regional Mobile Force Battalion-Bunawan Brook, MSWD Bunawan; at EM-Core 24 Alkaline C sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.