GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,400 pamilyang binaha sa Agusan del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa 1,400 pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Agusan del Sur.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,400 pamilyang binaha sa Agusan del Sur

By MARAH RUIZ

Dahil sa walang tigil na pag-ulan noong nakaraang linggo sa Bunawan, Agusan del Sur maraming mga pananim ang nasira at hindi na mapakinabangan.

Ang palay na aanihin na sana ng magsasakang si Jonalyn Mabad, nalubog sa baha.

"Ang aming palayan noon kawawa naman kasi wala kaming makukuha. Malapit na kasi, nagbunga na. Tapos ang iba naman, bagong tanim," paliwanag ni Jonalyn.

Pati ang bahay niya, naapektuhan din ng rumaragasang baha. Umabot ng baywang ang tubig sa loob nito.

"Ang taas ng bahay namin pero inabot pa rin ng tubig. Ang aming mga damit, nabasa. Ang mga bigas namin, nabasa. Naanod ang iba," kuwento niya.

Hanggang ngayon, lumulusong pa rin siya sa papasok sa bahay dahil hindi pa humuhupa ang tubig sa kanilang lugar.

Isa si Jonalyn sa mga natulungan sa Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation.

 

GMA Kapuso Foundation

 

Sa kabuuan, 1,400 pamilya apektado ng baha sa Bunawan, Agusan del Sur ang agad na nahatiran ng relief goods.

"Maraming salamat sa GMA Kapuso Foundation. Makakakain kami lahat ng aming mga pamilya, lahat ng mga tao dito," pahayag ni Jonalyn.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 10th Infantry Division, 67th Infantry Battalion, 1502nd Community Defense Center, Ready Reserve Infantry Battalion; Municipal Police Station-Bunawan; Regional Mobile Force Battalion-Bunawan Brook, MSWD Bunawan; at EM-Core 24 Alkaline C sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.