Batang nagsusugat ang kamay, nanawagan ng tulong as GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang isang bata mula sa Batangas na nagsusugat ang kamay tuwing nasasagi.

Batang nagsusugat ang kamay, nanawagan ng tulong as GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Ang balat sa kaliwang kamay ng 6-year old na si Crizilda mula sa Batangas, nagkakaroon ng maraming sugar. May namuong dugo rin sa paligid nito.

"Napapansin ko ho sa bata, pagka siya ay lumalaki, lumaki din ho 'yung kanyang sugat. Hindi lang ho siya lumalaki, kumakalat pa," paliwanang ni Jessie Balita, tatay ni Crizilda.

Grade 1 na si Crizilda pero nahihirapan pa rin siyang magsulat. Nagdudugo kasi ang mga sugat sa kanyang kamay kapag nasasagi.

"Kumukuha ho kami ng towel tapos idinidiin lang ho namin sa sugat niya para hindi kumalat 'yung dugo," ani Jessie.

Hindi nila mapa-check up si Crizilda dahil P400 kada araw lang ang kinikita ni Jessie bilang isang construction worker.

Kaya inilapit nila sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation ang kundiyon ng anak.

Binisita ng GMA Kapuso Foundation ang pamilya ni Crizilda sa Dumantay, Batangas para maghatid ng grocery pakcs.

Bilang tugon din sa kanilang panawagan, agad na ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation si Crizilda sa isang dermatologist.

 

GMA Kapuso Foundation

 


"Epidermal nevi. Ito ay isang klase ng birthmark kung saan 'yung epidermal layer mo, 'yung upper layer ng skin, ay abnormal ang growth. Naiipon 'yung cells doon sa itaas kaya kumakapal 'yung epidermis," pahayag ng dermatologist na si Dr. Grace Beltran tungkol sa kundiyson ni Crizilda.

Nagagamot naman daw ang ganitong kundisyon.

"Usually its surgical excision. Sometimes it works with topical cream," dagdag ni Dr. Beltran na nagbigay pa ng libreng sabon at cream para kay Crizilda.

Nanawagan naman ang ama ni Crizilda na si Jessie para maipagpatuloy ang gamutan ng bata.

"Nais ko sanang mapa-check up ulit at mawala 'yung kanyang sakit, ang karamdaman niya, para lumaki siya ng hindi takot sa tao," aniya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Crizilda at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.