GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Agaton sa Leganes, Iloilo | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 1,080 residenteng naapketuhan ng bagyong Agaton sa Leganes, Iloilo.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Agaton sa Leganes, Iloilo

By MARAH RUIZ

Isa ang Leganes, Iloilo sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Agaton.

Kabilang sa mga nasalanta ng bagyo si Maria Lee Cantiveros. May cerebral palsy ang kanyang anak na si Toto kaya isa ito sa mga una niyang isinaalangalang noong kalagitnaan ng pananalasa ng bagyo.

"Ang una kong binubuhat si, Toto. 'Yung tubig lumalalim na, dito lang kami. Hindi kami naglilikas kasi malayo sa amin ang evacuaton center. Hindi siya makalakad," kuwento ni Maria.

Dalawang araw silang nanatili sa papag dahil sa taas ng tubig.

Tinangay naman ng baha ang pananim nilang munggo kaya umaasa sa muna sila relief goods sa ngayon.

Dahil dito, isa ang Leganse, Iloilo sa mga agad na pinuntahan ng GMA Kapuso Foundation para mahatiran ng tulong.

 

 

 

 

Sa ilalim ng Operation Bayanihan, 1,080 evacuees sa Leganes, Iloilo ang nabigyan ng food packs.

"Very thankful and very grateful po 'yung Leganesnons in general sa tulong na ito na ibinigay ng GMA Kapuso Foundation. Ito po 'yung kauna-unahang NGO na tumulong, na nakipag-coordinate po personally dito sa Municipality of Leganes," pahayag ni Glenda Gulmatico, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer 2.

Bukod dito, nakapaghatid din ang GMA Kapuso Foundation ng food packs, kumot at banig sa mga residente ng President Roxas, Capiz.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng 3rd Infantry Divison, 3rd CMOBN ng Philippine Army; Philippine Air Force; St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association; Armed Forces of the Philippines, JTF-NCR, Civil Relations Service, J3 Operations; MDRRMO Leganes, Iloilo; MSWDO Leganes; MSWDO President Roxas, Capiz; at PNP President Roxas, Capiz.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.