GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa naapektuhan ng landslide sa Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation para sa 7,356 indibidwal na naapektuhan ng landslide sa Leyte.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa naapektuhan ng landslide sa Leyte

By MARAH RUIZ

Nagdulot ng landslide ang bagyong Agaton sa Leyte at bakas pa sa mga residente rito ang mga sugat na tinamo nila.

Isa si Anacleta Canuto sa mga Nag-evacuate dahil sa landslide sa Brgy. Pilar sa Abuyog, Leyte.

Saglit silang umuwi ng kanyang asawa para kumuha ng gamit at pagkain sa kanilang bahay pero dito sila inabutan ng disgrasya.

"Pagdating namin sa sa bahay, mga ilang minuto lang, paglabas namin doon sa pintuan, nasubsob kami sa ilalim. Kung hindi ako hinila ng asawa ko siguro patay na rin siguro ako kasi malalim 'yun, 'tapos maraming mga bato, putik, semento," paggunita ni Anacleta.

Laking pasasalamat naman niya at ligtas ang buong pamilya niya.

"Salamat sa Diyos na kahit ganito 'yung nangyari sa amin, maraming tumutulong sa amin ngayon. Kahit masakit man na nawalan kami ng bahay, kabuhayan," aniya.

Maituturing namang bayani si Hermongenes Miego Jr., na mula sa Brgy. Ambacan sa Baybay, Leyte. Nagkasugat sugar ang kanyang katawan dahil sa pag-rescue sa mga napektuhan ng landslide sa lugar nila.

"Masaya ako dahil kahit papaano ay may naisalba akong mga tao. Ang masakit lang sa pakiramdam ko ay 'yung may nahawakan ka na pero hindi mo na sila naisalba dahil nabitawan ko 'yung kamay nila. Nakaakawa talaga," kuwento ni Hermongenes.

Kabilang sila sa 7,356 indibidwal na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, banig at kumot sa Baybay at Abuyog sa Leyte.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa Operation Bayanihan ng Philippine Army 8th Infantry "Stormtroopers" Division, 802nd Infantry "Peerless" Brigade, 14th Infantry Battalion, TF_NCR, Civil Relations Service, J3 Operation; Ormoc Youth; St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association; at Sogo Cares by Hotel Sogo.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.