GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Agaton sa Capiz | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 1,840 indibidwal na nasalanta ng bagyong Agaton sa President Roxas, Capiz.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Agaton sa Capiz

By MARAH RUIZ

Pangalawang beses nang nawalan ng tirahan si Ginalyn Soberano mula sa Brgy. Aranguel, President Roxas sa Capiz noong tumama sa kanilang lugar ang bagyong Agaton.

Una nang napinsala ang kanyang tahanan noong 2019 nang tumama ang bagyong Ursula sa Capiz.

"Masakit po kasi 'yung Agaton, talagang tinangay 'yung bahay ko. Kita ko talaga," pahayag ni Ginalyn.

Doble kayod si Ginalyn para sa kanyang mga anak kaya pinasok niya ang pagliliis, pagtatanim, pag-aalaga ng hayop at pagbubuhat ng graba para matustusan ang pangangailan ng kanyang pamilya.

Kaya lang, nasira din ang bagyo ang kanyang mga pananim.

"Mas mabuti na lang magpasan ako kaysa magalit ako sa sarili ko," ani Ginalyn.

Para matulungan si Ginalyn at iba pang mga residenteng naapektuhan ng bagyong Agaton, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng food packs para sa 1,840 indibidwal sa Brgy. Aranguel, President Roxas, Capiz, sa ilalim ng nagpapatuloy na Operation Bayanihan.

 

 

"Noong Ursula, binigyan niyo po ako ng tulong. Ngayon, nagka problema na naman po ako. Hihingi na naman po ako ng tulong. Nagpapasalamat talaga ako sa sa inyo, GMA Kapuso Foundation," mensahe ni Ginalyn.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa Operation Bayanihan ng Philippine Army; Philippine Air Force; Armed Forces of the Philippines, JTF-NCR, Civil Operations Service, J3 Operations; St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association; 3rd Infantry Division, 3rd CMOBn; MSWD President Roxas, Capiz; PNP President Roxas; at Sogo Cares by Hotel Sogo.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.