GMA Kapuso Foundation, hinandugan ng bagong nebulizer ang isang solo parent | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng bagong nebulizer ang isang solo parent na nanghihiram lang nito tuwing hinihika ang kanyang anak.

GMA Kapuso Foundation, hinandugan ng bagong nebulizer ang isang solo parent

By MARAH RUIZ

Tumatanggap ng labada ang solo parent na si Michelle Villela mula sa Tagaytay para itaguyod ang tatlo niyang anak.

May hika ang panganay na anak pero wala silang sariling nebulizer at nanghihiram lang sa pinsan nito tuwing kakailanganin.

"Sobrang hirap po kasi po ako lang 'yung mag isa pong nagtataguyod po sa kanila," lahad ni Michelle.

Tila hindi pinalad sa pag-ibig si Michelle dahil pinagbubuhatan siya ng kamay at sinasabihan ng masasakit na salita ng mga nakarelasyon niya.

"Nadala na po ako sa nangyari sa dalawang kinasama ko. Ang aral na natutunan ko po sa pangyayari na 'yun ay huwag po basta basta magtitiwala at magpapababa sa tukso," pahayag ni Michelle.

Ngayon, tinutulungan siya ng kanyang nanay na may Parkinson's Disease sa pag-aalaga sa kanyang mga anak.

Sumulat si Michelle sa Facebook page ng GMA Kapuso Foundation para humiling tulong na groceries.

Bilang tugon, binista ng GMA Kapuso Foundation si Michelle sa Tagaytay at naghatid para sa kanya at kanyang mga anak ng grocery packs, vitamins, school supplies at bagong nebulizer.
 

 

 


"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation. Malaking tulong po 'yung naibigay niyo pong nebulizer po sa anak ko po dahil hindi na po kami manghihiram," mensahe ni Michelle.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Alphastar Laboratory and Multispecialty Clinic sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.