Batang may hirschsprung disease, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang tatlong taong gulang na batang may hirschsprung disease.

Batang may hirschsprung disease, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Masakit para sa single mom na si Athena Lascano na hindi makalabas ng bahay para makapaglaro ang tatlong taong gulang niyang anak na si Ryle.

May nakakabit kasi sa kanyang colostomy bag kay Ryle dahil sa kundisyon niyang tinatawag na hirschsprung disease.

 

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

"Dapat 'pag pinanganak 'yung baby, within 24 to 48 hours, magpu-poopoo na siya. Pero ito hindi. Part ng large intestine niya, walang nerve cell so wala pong movement. Kung hindi mo siya lalagyan ng suppository, hindi siya bigyan ng laxative, hindi magpu-poopoo 'yung baby," paliwanag ni Dr. Beda Espineda, pediatric surgeon sa Philippine Children's Medical Center tungkol sa kundisyon ni Ryle.

Napaoperahan na ni Athena si Ryle noon gamit ang ipon mula sa online selling, pero kailangan ng isa pang operasyon ni Ryle.

Nagbibigay naman daw ng buwanang susento ang ama ni Ryle pero kulang ito para sa pangangailangan ng bata.

"Gusto ko rin magtrabaho. 'Yung PhP5,000 [na sustento] po kasi panggatas lang niya--gatas lang na pang one month. May colostomy bag, mga wipes, tubig. Hindi ko maiwan gawa ng kailangan ako 'yung magaasikaso sa kanya e," pahayag ni Athena.

Kinailangan ipa-biopsy ang intestine ni Ryle para makumpirma kung may nerve cell o wala.

"So 100% na-confirm namin ang diagnosis na hirschsprung [disease] so paplanuhin na namin kung ooperahan ang bata kagad o hindi. Puwedeng hindi, kung nai-irrigate naman namin, nalalagyan siya ng suppository, nakakadumi siya. Pwedeng palakihin ng konti ang bata," pahayag ni Dr. Espineda.

Nanawagan naman ng tulong si Athena para sa pagpapaopera at patuloy na pagpapagamot ng anak.

"Sana ho matulungan n'yo kami para sa anak ko. Gusto na po kasi niyang mag-aral e," panawagan niya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Ryle at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.