GMA Kapuso Foundation, bibigyan ng hearing aid ang isang sari-sari store owner sa Cavite | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sumulat sa GMA Kapuso Foundation ang isang sari-sari store owner para humingi ng tulong sa pagpapayos ng kanyang tindahan.

GMA Kapuso Foundation, bibigyan ng hearing aid ang isang sari-sari store owner sa Cavite

By MARAH RUIZ

Ang sari-sari store ng 67-year old na si Editha Festejo mula Ternate, Cavite ang nagiging takbuhan ng kanyang mga kapitbahay tuwing walang pambili ng pagkain ang mga ito.

"Kaya hindi ako nagmamaramot kasi may kasabihan, 'God will provide,'" pahayag ni Editha.

Sinisikap niyang makatulong sa iba kahit siya mismo, nangangailangan din.

"Nakakaawa naman, walang makain. Siyempre 'yung puso ko naman parang hinihiwa," aniya.

Tuwing umuulan, nababasa ang loob ng tindahan ni Editha dahil kapos ito sa yero. Wala rin itong tabing kaya hindi maikandado.

"Mamayang gabi, hahakutin ko 'yan. Kahit kakaunti, nakakapagod. Karga ko pa 'yung apo ko," paliwanag ni Editha.

Mahina na ang pandinig ni Editha habang ang asawa naman niya may hypertension at diabetes. Gayunpaman, sila ang nag-aalaga sa kanilang apo dahil naka-boarding house malapit sa pinapasukang trabaho ang kanilang anak.

Tumutulong din si Editha sa mga pamangkin para makapagtapos ng pag-aaral ang mga ito.

Mahilig manood ng telebisyon si Editha pero sira ang kanyang television set at pinapahiram muna siya ng kanyang kapitbahay.

Sumulat si Editha sa GMA Kapuso Foundation para humingi ng tulong sa pagpapaayos ng kanyang munting sari-sari store at para humiling ng maayos na telebisyon.

 

 

Higit dito, mas kailangan ni Editha ng hearing aid at mga gamot para sa kanyang asawa.

"Harinawa po, lahat maiayos ito para marami akong ma-grasp pa ng lesson, lahat lahat kahit na ganito na ako katanda," ani Editha.

Bilang tugon, isinakatuparan ng GMA Kapuso Foundation ang hiling ni Editha.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Editha at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.