GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng medical services sa 100 mag-uuling sa Malabon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dahil Hypertension Awareness Month ngayong Mayo, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng medical services para sa 100 mag-uuling sa Malabon.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng medical services sa 100 mag-uuling sa Malabon

By MARAH RUIZ

Paggawa ng uling ang hanapbuhay ni Nerissa Avila na mula sa Catmon, Malabon.

Buong araw ang trabaho at babad siya sa initan kaya minsan sumasama ang pakiramdam ni Nerissa at nahihilo.

"Sa hirap po ng mag-uuling, talagang sakripisyo po ang kalusugan ng pangangatawan, lalo na 'yung kalusugan ng mga anak," pahayag ni Nerissa.

Hindi na siya nagpapatingin sa doktor dahil kulang sa pang araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya ang P1,000 na kinikita niya kada isang linggo.

"Ang ginagawa lang namin, kalma, pahinga saglit tapos balik na lang uli sa trabaho," paliwanag niya.

Dahil Hypertension Awareness Month ngayong Mayo, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng medical consultation at medical tests tulad ng electrocardiogram, lipid profile at fasting blood sugar sa 100 mag-uuling sa Catmon, Malabon kabilang si Nerissa.

 

 

GMA Kapuso Foundation medical mission

 

 

Bukod dito, may handog din ang GMA Kapuso Foundation na food packs, hygiene kits at vitamins para sa kanila.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng occupational health and safety physician na si Dr. Christienitz Rosas, DepEd Schools Division Office-Malabon City, Catmon Integrated School, PAL Foundation, Mayon Clinical Laboratory and Medical Services, Del Monte Foundation, Hello Glow at Nivea sa proyekto.

"Maraming maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation na binigyan niyo po kami ng pagkakataon para ma-obserbahan po ang aming mga kalusugan," mesahe ni Nerissa.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.