May 31 2022
Taong 2015 nang ma-stroke si Gerald Ibañez na noon ay 16 taong gulang pa lamang.
"Stress, puyat, pagod, pressure sa isip. Consistent honor student kasi siya simula kinder," palagay ng ni Susana Ibañez, nanay ni Gerald sa dahilan kung bakit na-stroke ang anak sa murang edad.
"It's not directly the stress itself but 'yung association niya with other risk factors. Kung kulang ka sa tulog, hindi nakaka-recover nang mabuti ang katawan," paliwanag naman ng neurologist na si Dr. Alejandro Diaz.
Na-paralyze ang kanang kamay ni Gerald at nahirapan siyang maglakad at magsalita matapos noon. Kinailangan din niyang sumailalim sa therapy at uminom ng maintenance medicine.
Pinagamot at sinubaybayan naman siya ng GMA Kapuso Foundation.
Matapos ang ilang taon, 23 years old na si Gerald at nakakapaglakad nang mag-isa. Masigla na rin siya at nakasali pa sa isang national art competition.
Bukod dito, napagkakakitaan pa niya ang kanyang mga obra.
"Ito po ang painting kong ibinebenta ko ngayon para sa pambili ng gamot," pahayag ni Gerald habang ipinapakita ang isang oil painting.
Muli siyang binista ng GMA Kapuso Foundation para kumustahin at dalhan ng regalong groceries, drawing materials, at mga gamot.
May inihanda ring regalo si Gerald para kay GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco.
"Maraming salamat po Tita Mel. Tanggapin mo ang regalo ko sa 'yo," mensahe ni Gerald.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus