Nanay na tinubuan ng bukol sa likod ng tenga, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tatlong taon na raw iniida ng isang nanay ang bukol na tumubo sa likod ng kaniyang tenga kaya nanawagan siya ng tulong sa GMA Kapuso Foundation.

Nanay na tinubuan ng bukol sa likod ng tenga, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Gusto sana ni Deiserie dela Cruz mula Cavite na mag-apply bilang service crew sa mga kainan.

Hindi niya ito magawa dahil sa isang bukol sa tumubo sa likod ng kaniyang tenga.

Tatlong taon na raw niya itong iniida at nagsimula lang sa pagsakit ng kanyiang lalamunan hanggang sa may tumubo na kulani.

"Niresetahan lang po ako ng mga antibiotic. Noong nagsara naman po 'yung sugat, mas malaki na po ang pumalit," kuwento ni Deiserie tungkol sa kaniyang kondisyon.

Dahil sa bukol, nahihirapan siya sa mga karaniwang gawain.

"Ang hirap din kasi 'pag naiipit po siya. Tapos, magdamag po siya na nagre-release po noong parang tubig," ani Deiserie.

Nakatanggap ang GMA Kapuso Foundation ng mensahe sa Facebook tungkol sa kondisyon ni Deiserie kaya agad siyang pinakonsulta sa isang ENT (Ear, Nose and Throat) specialist.

 

 

 

 

"Lumalabas na siya ay may tinatawag na branchial cleft cyst. Ang laman nito ay puwedeng fluid na puwedeng magkaroon ng infection so mas maganda tanggalin natin. Saka may potential nga itong umulit o pumutok," paliwanag ni Dr. Gil Vicente sa kondisyon ni Deiserie.

"Sana po matulungan ako kasi nahihirapan na po talaga ako," emosyonal na panawagan ni Deiserie.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Deiserie at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.