GMA Kapuso Foundation at partners nito, naghandog ng libreng tuli para sa mahigit 100 na bata | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nakapagbigay ng libreng tuli o circumcision para sa mahigit 100 bata ang GMA Kapuso Foundation at partners nito.

GMA Kapuso Foundation at partners nito, naghandog ng libreng tuli para sa mahigit 100 na bata

By MARAH RUIZ

Handa na sanang magpatuli ang magkabigang Benedict at Gerald noong 2020 ngunit na-delay ito dahil sa pandemic.

 

 

"'Yung mga kaibigan ko po, tinutukso ako. Sinasabi po nila sa akin, 'Supot, supot!'" kuwento ni Benedict.

Natigil kasi ang mga programa tulad ng libreng tuli dahil sa mga lockdown sa iba't ibang lugar sa bansa.

"During the pandemic, we had to prioritize 'yung mga surigical procedures that we do. And siyempre bawal 'yung mga mass gatherings," paliwanag ni Dr. Helen Amo, Secretary of the Department of Surgery sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Ngayong Alert Level 1 na ang bansa, pinapayagan na muling magsagawa ng programa tulad ng pagtutuli.

Kaya naman nakiisa ang GMA Kapuso Foundation sa ginawang libreng tuli ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center at Philippine Society of General Surgeons.

Mahigit 100 bata ang nakapagpatuli nang libre sa ilalim ng programang ito, kabilang sina Gerald at Benedict.

"Gusto ko na po magpatuli kasi gusto ko po tumangkad," pahayag ni Gerald.

"Guso ko na po maging binata," dagdag naman ni Benedict.

Paliwanag din ni Dr. Helen Amo, mahalaga din daw sa kalusugan ang pagpapatuli.

"It is more of hygiene because kapag tinutuli, 'yung risk of infection like mga recurring TTI (transfusion transmissible infection) or 'yung mga sexually transmitted disease will be lessened. Walang specific age limit for as long as the child is willing na magpa-circumcise," paliwanag niya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.