GMA Kapuso Foundation, naghandog ng bagong saklay sa isang solo parent na naputulan ng binti | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tinupad ng GMA Kapuso Foundation ang hiling na bagong saklay ng isang solo parent na naputulan ng binti dahil sa aksidente.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng bagong saklay sa isang solo parent na naputulan ng binti

By MARAH RUIZ

Anim na taon na ang nakalipas simula noong naputol ang kaliwang binti ng solo parent na si Maria Abegail Macaspac mula Tondo, Manila.

Nakasakay siya ng jeep sa Caloocan nang biglang mabangga ito ng kotse bandang ala una ng madaling araw noong January 2, 2016.

Sinagot ng nakabangga ang mga bayarin sa ospital pero natigil sa pagtatrabaho bilang isang checker si Abegail matapos maputulan ng binti.

"Hindi na po ako makakatrabaho. Hindi na po makakatulong," paggunita niya.

Sa ngayon, ang nanay niyang labandera at tatay niyang fruit vendor ang sumusuporta sa kanya at sa dalawa niyang anak.

Humiling siya ng bagong saklay sa GMA Kapuso Foundation dahil ang lumang-luma na ang ginagamit niya ngayon. Binalot na lamang niya ito ng tela, electrical tape, at packing tape para maging mas kumportable.

May prosthetic leg din si Abegail pero hindi niya nagagamit dahil masikip na.

Agad naman siyang binisita ng GMA Kapuso Foundation para handugan ng bago at heavy duty na saklay. Bukod dito, binigyan din siya ng grocery packs at school supplies para sa kanyang mga anak.

"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation. Ang bilis po noong responde nila sa kahilingan ko. Hindi na sasakit 'yung kili kili ko diyan sa luma kong saklay," pasasalamat ni Abegail.

 

 

 

 

Samantala, nakatakdang mamahagi ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Mt. Bulusan sa Huban, Sorsogon sa ilalim ng Operation Bayanihan.

Nangangailangan ang mga residente doon ng KN95 masks, pagkain at tubig.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga taga Huban at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito: www.gmanetwork.com/kapusofoundation/donate

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.