GMA Kapuso Foundation, agad na nakapaghatid ng tulong sa Juban, Sorsogon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Agad na naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Mt. Bulusan.

GMA Kapuso Foundation, agad na nakapaghatid ng tulong sa Juban, Sorsogon

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang linggo, nabalot ng abo ang mga bahay at puno sa Brgy. Puting Sapa sa Juban, Sorsogon.

Bumuga ng makapal na usok at abo ang Mt. Bulusan sa isang phreatic erruption o pagkulo ng tubig sa ilalim ng lupa.

 

 

 

Sanay naman daw ang residenteng si Merly Rebate kapag nag-aalboroto ang bulkan dahil kabilang ang kanilang lugar sa four-kilometer danger zone.

"Akala ko kulog lang, 'yun pala bulkan na. Natakot ako, nanginginig pa ang katawan ko," paggunita niya.

Mag-isa sa bahay si Princess Angela Velasco noong nangyari ang pagsabog dahil nagkokopra sa kabundukan ang kanyang mga magulang.

"Balot na balot po talaga 'ko ng abo. Nanginginig po ako sa takot, hindi po para sa sarili ko, para parents ko," pahayag ni Princess.

Laking tuwa at pasasalamat siya nang makauwi nang ligatas ang kanyang mga magulang.

Dinatnan ng GMA Kapuso Foundation ang mga pamilya na nananatili sa evacuation center.

Problema anila ang inuming tubig dahil nahaluan ng abo kaya kontaminado na ang bukal na pangunahing pinagkukunan nila.

Sa ilalim ng Operation Bayanihan, agad na naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng tulong sa mga residente ng Brgy. Puting Sapa.

Naghatid ang GMA Kapuso Foundation dito ng relief goods, vitmains, KN95 masks, at tubig na maiinom.

"Salamat sa GMA Kapuso Foundation kasi kahit malayo ang lugar namin, narating kami. Nabigyan kami ng tulong," pasasalamat ni Merly.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Pascual Laboratories Inc., MSWD-Juban, Sorsogon, Philippine Army 9th Infantry Division, 903rd Brigade, 22nd Infantry Battalion, at 31st Infantry Battalion.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa Operation Bayanihan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.