GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilyang apektado sa Juban, Sorsogon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 1,000 pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Mt. Bulusan sa Juban, Sorsogon.  

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilyang apektado sa Juban, Sorsogon

By MARAH RUIZ

Nabalot ng abo ang bakuran ni Rosemalyn Grepaldo mula sa Juban, Sorsgon dahil sa pag-aalburoto ng Mt. Bulusan.

Pagtatanin ang pangunahing hanapbuhay niya kaya nanghihinayang siya nang maluto sa abo ang mga pananim niyang gulay at prutas na aanihin na sana.

"Hindi naman namin mapapakinabangan 'yan. 'Di namin makakain 'yan kasi 'pag kinain namin 'yan, mag-e-LBM kami," paliwanag ni Rosemalyn.

Inaalala rin niya ang kalusugan ng kanyang pamilya na nakakalanghap ng abo. Kahit anong linis niya, bumabalik lang ang alikabok.

"'Yung amoy nga, masakit dito (ilong). Kung minsan parang naso-suffocate na nga kami sa mask, naso-suffocate pa kami sa abo. Ang inaantay na lang talaga namin, umulan na lang para mawala na po yung abo," lahad ni Rosemalyn.

Kabilang si Rosemalyn at kanyang pamilya sa nahatiran ng GMA Kapuso Foundation ng tulong sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan.

 

 


Nasa 1,000 pamilya mula sa Brgy. Buraburahan at Brgy. Bacolod ang nabigyan ng relief goods, KN95 masks, vitamins at inuming tubig.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 9th Infantry Division, 903rd Brigade, 22nd Infantry Battalion, 31st Infantry Battalion; MSWD-Juban, Sorsogon; Jamu, Propan, at Na Flora.

"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation kasi nabigyan niyo po kami ng tulong, lalo na sa mga binigay niyo po sa amin na mga vitamins para sa mga bata, especially din po doon sa tubig. 'Yun na po ang pinaka importante," mensahe ni Rosemalyn.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa Operation Bayanihan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.