GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang apat na batang may special needs | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tinugunan ng GMA Kapuso Foundation ang hiling ng isang ama na maipasuri ang apat niyang anak na may special needs.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang apat na batang may special needs

By MARAH RUIZ

Ang tanging hiling ni Willy Gutaba mula sa Bulacan para sa nalalapit na Father's Day ay maipasuri sa espesyalista ang apat niyang anak na lahat ay may special needs.

Ibinahagi ng biyudong si Willy ang kaniyang kuwento at panawagan nitong linggo kaya agad itong tinugunan ng GMA Kapuso Foundation.

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang apat niyang anak sa developmental pediatrician na si Dr. Joselyn A. Eusebio.

"Sila ay napapabilang sa kundisyong tinatawag nating [may] intellectual disability. 'Yun ang term na doon sa dati nating tawag na mental retardation. Dahilan sa lahat sila ay apektado, malaki ang posibilidad na namamana," paliwanag ni Dr. Eusebio sa kondisyon ng apat na bata.

Bilang regalo naman kay Willy na mag-isang itinataguyod ang kaniyang mga anak, hinatiran siya ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, hygiene kits, drawing materials, banig, kumot, vitamins, gamot, at face masks.

May isang donor din na nagmagandang loob at niregaluhan siya ng sewing machine at tela na magagamit niya sa hanapbuhay niyang pananahi.

 

 

 

 

"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation dahil sa ibinigay hong tulong sa amin. Napaka laking bagay po, sobrang blessing. Siguro ito na 'yung tugon sa aking pagdadasal araw-araw," mensahe ni Willy.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.