GMA Kapuso Foundation, naghatid ng mga regalo sa mga amang maglulubid sa Valenzuela | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng mga regalo para sa mga amang maglulubid sa Valenzuela bilang pagdiriwang ng Father's Day.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng mga regalo sa mga amang maglulubid sa Valenzuela

By MARAH RUIZ

Pagggawa ng lubid ang pinagkakakitaan ng magkakapatid na Wilfredo, Ruel, JC, at Rolando Aniceto mula sa Brgy. Coloong, Valenzuela City.

Ayon kay Wilfredo, hindi biro ang trabahong ito.

"Ang tindi tindi ng init, naglulubid ka. Biglang bubuhos ang ulan, aabutan ka ng ulan. Kinabukasan sakit ng ulo, trangkaso. Ganoon ang buhay ng maglulubid," kuwento niya.

Kada araw, 50,000 kilo ng lubid ang ginagawa niya. Kumikita naman siya dito ng P1,500 kada linggo.

"Umaalis ako rito ng alas kuwatro ng madaling araw. Uuwi ka ulit ng alas dose, kakain ng tanghalian. 'Tapos noon, hanggang alas diyes na po 'yun," paliwanag ni Wilfredo.

 

 

Bilang pagkilala sa mga amang maglulubid ngayong Father's Day, hinandugan sila ng GMA Kapuso Foundation ng food packs, hygiene kits, sumbrero, at pantalon.

Bago ito, sumailalim sila sa antigen test para masigurado ang kaligatasan ng lahat.

Nagsagawa rin ang GMA Kapuso Foundation ng prostate specific antigen test para sa kanila ngayong Prostate Cancer Awareness Month.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito ng PNP-Valenzuela City, Coloong Elementary School, Nivea, Venice 66 Fashions Inc. (Vans Philippines), at New World Diagnostics Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.