GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng Father's Day gifts para sa mga mangingisda sa Bulacan
June 21 2022
By MARAH RUIZ
Sa edad na 63, nangingisda pa rin ang amang si Johnny Lucapa mula sa Obando, Bulacan para sa kanyang siyam na anak.
Nagsisimula siyang mangisda ng 7:00 a.m. at inaabot hanggang 7:00 p.m. Mas matumal daw ang huli ngayon dahil sa polusyon at masamang panahon.
"Noong araw, ang hayop dito napakaganda. Kahit anong oras ka lumabas ng ilog, tiyak may mahuhuli ka. Dumating ang mga ilang taon na biglang unti unting nawawala ang hayop. Simula noong magkaroon dito ng mga pabrika, naapektuhan na ang ilog," kuwento ni Johnny.
Kabilang si Johnny sa 50 mangingisda sa Brgy. Tawiran sa Obando, Bulacan na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, vitamins, life vest at pantalon bilang Father's Day gifts.
Dumaan naman lahat ng beneficiary sa COVID-19 antigen test para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Nagsagawa rin ng prostate antigen test at urinalysis para sa kanila.
"Sobra sobra ang pasalamaat namin. Kahit kami ganito, napagukulan kami," pasasalamat ni Johnny.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Tawiran Elementary School, Obando School of Fisheries, New World Diagnostics Inc., Jollibee Group, Del Monte Foundation at Venice 66 Fashions Inc. (Vans Philippines).
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus