GMA Kapuso Foundation, sisimulan na ang pagpapagawa ng mga paaralang nasira ng bagyong Odette | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Apat na paaralang nasira ng bagyong Odette ang ipapaayos ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso School Development Project.

GMA Kapuso Foundation, sisimulan na ang pagpapagawa ng mga paaralang nasira ng bagyong Odette

By MARAH RUIZ

Ngayong June, magsisimula na muli ang Kapuso School Development Project ng GMA Kapuso Foundation para sa mga paaralang sinalanta ng super typhoon Odette noong December 2021.

Dalawang eskuwelahan sa Surigao ang ipapaayos--ang Baybay Elementary School sa Burgos, Siargao na magkakaroon ng apat na bagong classrooms at apat na bagong comfort rooms, at ang Cabitoonan Elementary School sa General Luna, Siargao na bibigyan naman ng tatlong bagong classrooms at tatlong bagong comfort rooms.

Sa Leyte naman, dalawang paaralan din ang ipapaayos ng GMA Kapuso Foundation--ang New Malangza Elementary School sa Liloan, Southern Leyte na hahandugan ng tatlong bagong classrooms at tatlong bagong comfort rooms, at Magallanes Elementay School sa Limasawa Island na mabibigyan naman ng apat na bagong classrooms at apat na bagong comfort rooms.

 

 

Ibiniyahe ng partner ng GMA Kapuso Foundation na Meridian Shipping and Container Carrier, Inc. ang apat na container vans na puno ng construction materials, plywood, steel bars at iba pa mula Maynila patungong Tolosa Port sa Leyte.

Mula sa Leyte, isinakay ang materyales kasabay ang graba at buhangin ng Concrete Stone Corp. sa barge upang tawirin ang isla ng Siargao at Limasawa.

"We're so happy to share our aggregates amounting to PhP3.8 million, including the deliveries of some construction materials to the project. I think this will be a long partnership because it's in line with the vision and the mission of the company," pahayag ni Noel Jesus Santiago, President of Concrete Stone Corp.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng AFP Visayas Command, 3rd Engineer Bridage, at 546th Engineer Construction Battalion.

Naghatid din ang CEMEX Philippines Foundation ng paunang 700 bags ng semento na ikinagarga sa Philippine Navy.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa dito ng Philippine Army, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, at 14th Infantry Battalion.

"It's a big logistical undertaking and thank God, natapos na rin. That's why we will soon begin construction in Limasawa. This is the first school na itatayo natin na devasted by typhoon Odette," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO of ng GMA Kapuso Foundation.

"Ang ating classroom will be solid, concrete ang ating mga walls. Of course, talagang gagamit tayo ng mga standard and quality materials para mas maging resilient 'yung ating classroom," paliwanag naman ni Engr. Ed Eniego, senior project engineer ng GMA Kapuso Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.