GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng school supplies sa mga estudyante sa Limasawa | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ng school supplies para sa 360 estudaynte sa Limasawa ang GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng school supplies sa mga estudyante sa Limasawa

By MARAH RUIZ

Dahil sa bagyong Odette, nabasa ang mga aklat, modules, lapis, papel, at iba pang gamit ng anak ni Myrna Balane na si Jericho.

"Sabi nila, wala na daw silang gagamitin pang-aral. Sabi ko, huwag kayong [mag-alala] kasi mayroon pa namang darating na araw na bibigyan tayo ng module ng maestra," pahayag ni Myrna.

Bukod sa mga nabasang gamit, nasira rin ng bagyo ang kanilang tahanan at haligi na lang ang natira rito.

"Nilagyan sa asawa ko ng parang [bubong]. Nilagyan ng cellophane at saka sira na trapal. Dito siya nagmo-modules, sa loob noon. Matiyaga 'yan magbasa at saka matiyaga sa pag-aaral. Sabi niya, mag-pupulis daw siya, " kuwento pa niya tungkol sa anak.

Kabilang si Myrna sa mga hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng bubong noong nakaraang Marso.

Ngayon naman muli nang inulunsad ngayong taon ng GMA Kapuso Foudnation ang Unang Hakbang sa Kinabukasan project, kabilang naman ang anak niyang si Jericho sa nahandugan ng school supplies.

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies, COVID-19 kits at vitamins sa 360 estudyante mula kinder hanngang grade 3 sa limang paaralan sa Limasawa.
 

 

 

"Nakapalaking tulong po ito kasi dinaanan kami ng bagyong Odette. Nagpapasalamat po kami sa GMA Kapuso Foundation. Sila lang ang nagbigay sa aming ng tulong para sa mga kabataan," mensahe ni Judilyn Kangleon ng DepEd-Limsawa District.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Armed Forces of the Philipines, JTF-NCR; Philippine Army, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, 546th Engineer Construction Battalion, 93rd Infantry Battalion, 14th Infantry Battalion; at Johnson and Johnson (Philippines), Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.