Babaeng may bukol sa maselang bahagi ng katawan, sumailalim sa pangalawang operasyon sa tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa tulong ng GMA Kapuso Foundation, sumailalim na sa pangalawang operasyon ang babaeng may bukol sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Babaeng may bukol sa maselang bahagi ng katawan, sumailalim sa pangalawang operasyon sa tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Dahil sa mga donors at volunteer doctors, naipa-opera na muli ng GMA Kapuso Foundation si Marina, hindi niya tunay na pangalan, isang babaeng may bukol na sinlaki umano ng cauliflower sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

"'Yung unang lakad ko po, 'yung pinaharap po ako sa salamin, naiyak po ako sa tuwa kasi hindi na po 'yun ganoon. Hindi na po ako mabu-bully," pahayag ni Marina.

Matatandaang nitong Abril sumailalim si Marina sa unang operasyon para matanggal ang bukol na dahil sa human papillomavirus o HPV.

"'Yung human papillomavirus, mahigit 100 na strains 'yan, 100 types. 'Yung tumubo sa kanya 'yung type 6 and 11. Nakukuha 'yan ng skin contact. Nahahawa sa isang tao [ang] may ganyang infection, viral infection. Hindi naman necessarily sexual intercourse lang," paliwanag ni Dr. German Tan Cardoso II, chairman ng Department of OB-GYNE sa East Avenue Medical Center, tungkol sa kundisyon ni Marina.

Sa tulong ng mga doktor sa East Avenue Medical Center, naisagawa na ang pangalawang operasyon ni Marina nitong Hunyo.

Bumalik na raw ang kumpiyansa sa sarili ni Marina habang nagpapagaling. Patuloy naman ang gamutan para sa kanyang mga kulugo.

 

 

Samantala, hinihikayat naman ni Dr. Cardoso na magpabakuna bilang proteksiyon sa HPV at para hindi matulad sa kundisyon ni Marina. Ayon sa kanya, maaari nang magpabakuna ang mga may edad na 9 years old pataas.

"Magpa-vaccine ng HPV, at saka siyempre safe sex. Alamin nila 'yung sexual practices ng kanilang partner. Mag-konsulta na lang sa doktor para ma-diagnose, mabigyan ng gamot at saka para maiwasan mag-develop ng cancer," lahad niya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng East Avenue Medical Center, at nina Dr. German Tan Cardoso, Dr. Anna Katrina Estacio, Dr. Isabela Alexa Martinez, Dr. Sittie Nor Mohayrra Tiang, Dr. Nancy Arenas, Dr. Bianca Orantia, Dr. Katrina Lardizabal, at CDRRMO.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.