GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Baybay, Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies para sa 800 mag-aaral ng kinder at grade 1 sa Baybay, Leyte.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Baybay, Leyte

By MARAH RUIZ

Tila nabura sa mapa ang Brgy. Kantagnos sa Baybay, Leyte matapos ang mga landslides dito na dulot ng bagyong Agaton noong April nitong taon.

Natabunan ng lupa at putik ang mga bahay at bubong na lang ang matatanaw sa mga ito.

Ipinagbabawal munang bumalik dito ang mga residente dahil sa panganib na bumigay pa ang lupang nasa itaas ng bundok.

Gayunpaman, tuloy ang pag-aaral ng mga bata dito kahit pa nasa evacuation center.

"Kahit ganoon 'yung sitwasyon, talagang ipagpatuloy natin 'yung education. Pero hindi siya 'yung typical classroom teaching na nasa classroom talaga. Kumbaga, parang psychological intervention, psycho-social support doon sa mga bata," paliwanag ni Merson A. Porazo, school head ng Kantagnos Elementary School.

Kabilang sa mga mag-aaral sa evacuation center si Bryan Perlas, grade 1 student. Na-trauma raw siya dahil sa nasaksihang landslide.

"Natakot ako kasi 'yung lupa parang tubig tapos nagsitumbahan 'yung mga puno," paggunita niya.

Nananaig naman ang kagustuhan niyang mag-aral.

"Mag-aaral akong mabuti para sa pamilya ko," pahayag ni Bryan.

Bilang tulong kay Bryan at sa iba pang estudyanteng tulad niya, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies, COVID-19 kits at vitamins para sa 800 kinder at grade 1 students sa Baybay, Leyte sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

 

 



"Itong mga gamit na ito ay talagang may impact para sa mga kabataan, hindi lang sa kanilang pag-aaral kundi sa kanilang psychological [state]. May pyschological impact ito para sa kanila na talagang patuloy ang buhay," pahayag ni Josephus Anthony Duenas, administrative officer ng DepEd Baybay.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines, JTF-NCR; Philippine Army, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Battalion, 14th Infantry Battalion; Propan, at Johnson and Johnson (Philippines) Inc sa Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.