GMA Kapuso Foundation, naghandog ng wheelchairs sa mga batang may kapansanan sa Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng wheelchairs, strollers at iba pang mga regalo ang GMA Kapuso Foundation sa ilang batang may kapansanan sa Leyte.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng wheelchairs sa mga batang may kapansanan sa Leyte

Tila malaki ang naging pagbago ng buhay ng batang si Michael, isang 11-year old mula sa Abuyog, Leyte.

Dati siyang bibo at aktibo sa eskuwelahan, pero hindi makapaglakad at nanghihina ang katawan ngayon.

Ayon sa nanay niyang si Deena Aquino, nagsimula raw ito noong pitong taong gulang si Michael.

"Nahirapan po siyang maglakad tapos nagrereklamo po siya na masakit daw 'yung paa niya. Kaya 'yun pinatingin namin sa doktor, muscular dystrophy daw po," naluluhang paggunita ni Deena.

"'Yung muscular dystrophy 'yung grupo ng mga karamdaman na ito ay genetically determined. Ibig sabihin, namamana siya. 'Yung pasyente ay nakakaramdan ng panghihina ng mga muscles. Sa lalaki kadalasan nakikita," paliwanag ni Dr. Wesson Pious Espiritu MD, FPOA, espesyalista sa larangan ng orthopaedics at sports surgery.

"To this date, wala siyang definite cure pero may mga medication na puwedeng ibigay para mapabagal 'yung pagkasira ng mga muscle," dagdag pa niya.

Araw-araw inihahatid ni Deena si Michael sa paaralan gamit ang lumang wheelchair na sira at kinakalawang. Bukod dito, hindi na rin angkop para sa edad ni Michael ang sukat ng wheelchair.

Gayunpaman, pursigido si Michael sa pag-aaral at at nakatanggap pa ng academic achiever award kamakailan.

Bilang tulong kay Michael at sa iba pang mga batang may kapansanan tulad ng muscular dystrophy at cerebral palsy, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng pediatric wheelchairs at strollers para sa kanila. May kasama pa itong playmats at food packs.

 

 

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 14th Infantry Battalion at Lotus Tools Philippines sa proyekto.

Para naman sa mga nangangailangan ng wheelchair at prosthetic hand, makipag-uganayan sa GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso Kalusugan Konsulta project sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation.

I-check ang verified badge o blue check ng page para masiguradong ito ang tama at opisyal na account ng GMA Kapuso Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.