GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga estudyante sa Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng kumpletong school supplies ang GMA Kapuso Foundation para sa 2,400 estudyante sa Leyte.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga estudyante sa Leyte

By MARAH RUIZ

Mahigit dalawang kilometro ang nilalakad ni Junrey Sarabosing at anim na taong gulang niyang anak na si Dave na mula sa Mahaplag, Leyte.

Tinatawid nila ang mabatong daan at rumaragasang tubig sa ilog para makarating sa paaralan ni Dave.

"Mahirap po talaga kami dito lalo na kung tag-ulan kasi dadaan kami dito sa ilog. Kaya ang ginagawa ko, pinapasan ko siya halos araw-araw para lang makapasok siya," kuwento ni Junrey.

Lagi namang naglalaan si Junrey ng oras para maturuan si Dave sa kanyang mga aralin. Kaya naman kinder pa lang, magaling na itong magbasa at magsulat. Bukod dito, nakatanggap pa ito ng tatlong award sa kanilang moving up ceremony.

"Gusto ko paong maging pulis kaya mag-aaral akong mabuti," pahayag ni Dave.

Isa ang Leyte sa matinding tinamaan ng bagyong Agaton nitong nakaraang Abril. Maraming gamit pang eskuwela ang nabasa at hindi na magagamit.

Bilang tulong kay Junrey at sa iba pang katulad niya, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng kumpletong school supplies, COVID-19 kits at vitamins para sa 2,400 estudyante sa Leyte sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Armed Forces of the Philippines, JTF-NCR; Philippine Army 8th Infatry Division, 14th Infantry Battalion, 93rd Infatry Battalion, ADP Pharma Corporation, at Johnson and Johnson (Philippines) Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.