GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Bukidnon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng school supplies para sa 2,400 mag-aaral sa Bukidnon ang GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Bukidnon

By MARAH RUIZ

Ilang linggo na lang, magsisimula na muli ang pasukan kaya minarapat ng GMA Kapuso Foundation na dumayo sa Bukidnon para maghatid ng tulong sa ilang mag-aaral doon.

Isang magsasaka si Grace Pallo at ginagawa niya ang lahat para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.

"Malaki ang importansiya ng edukasyon kasi ako mismo na magulang, wala akong natapos. Kailangan kong gawin na tulungan sila at gusto ko na makapagtapos sila ng kolehiyo," pahayag ni Grace.

Ang pitong taong gulang niyang anak na si Kian ang nakakatulong niya sa pag-aani tuwing wala itong pasok. Gayunpaman, sinisigurado ni Grace na hindi napapabayaan ni Kian ang pag-aaral nito.

"Ang pangarap ko para sa aking anak, sana makapagtapos siya ng pag-aaral at maabot ang kanyang mga pangarap," aniya.

Kabilang si Kian sa mga mag-aaral sa Bukidnon na hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng school bags na may kumpletong school supplies at hygiene kits sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

Sa kabuuuan, 2,400 estudyante mula sa mga bayan ng Malitbog at Impasug-ong ang nahatiran ng tulong.

 

 


Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Armed forces of the Philippines JTF-NCT; Philippine Army 8th Infantry Battalion, 16th Infantry Battalion; LGU ng Malitbog at Impasug-ong, Bukidnon; DepEd Division of Bukidnon, Solid Shipping Lines Corporation, Johnson and Johnson (Philippines) Inc., at Natural Works Virgin Coconut Oil.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.