GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng prosthetic hand sa mga sundalo at sibilyan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Katuwang ang LN-4 Foundation at Naked Wolves Philippines, nakapagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng prosthetic hand sa ilang sundalo at sibilyan.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng prosthetic hand sa mga sundalo at sibilyan

By MARAH RUIZ

Noong 2021 naputulan ng kamay si Ferdinand Ros dahil sa sakit na diabetes. Dahil dito, natigil din siya sa trabaho.

"Nag-nana 'yung mga ibang part ng kamay ko hanggang sa 'yung first operation ko nag-butas sila dito. Doon din nila nalaman na sobrang taas ng blood sugar ko," paggunita niya.

Hindi naman naging hadlang ang kapansanan para gampanan niya ang responsibilidad bilang ama. Muli siyang naghanap-buhay sa pamamagitan ng pagtitinda ng frozen goods.

"Pamilya lang ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob para malagpasan ko ang lahat ng pagsubok," aniya.

Nadisgrasya naman si Msgt. Orbigo habang ginagampanan ang kaniyang tungkilin.

"Ine-extract ko 'yung explosive filler noong isang certain ammunition. Paghugot ko, sumablay kaya nasabugan 'yung kamay ko," kuwento niya.

Hindi niya tinalikuran ang sinumpaang tungkulin kahit naputulan ng kamay.

"Dapat hindi ito maging hadlang sa pang-araw-araw na buhay kasi ito ay parang pagsubok lang na dumaraan sa atin," paliwanag niya.

Kabilang sina Ferdinand at Msgt. Orbigo sa mga nahandugan ng prosthetic hand ng GMA Kapuso Foundation.
 

 

 

Kaakibat ang LN-4 Foundation at Naked Wolves Philippines, nakapaghandog ang GMA Kapuso Foundation ng walong libreng prosthetic hand sa mga sundalo at sibilyan.

"We don't want anything from the beneficiaries expect to give a hand to them and to teach them how to use it," pahayag ni Grace Cabato, ambassador ng LN-4 Foundation.

Ilang sundalo rin ang tinuran ng tamang paglagay ng prosthetic hand para makarating ang tulong sa malalayong lugar.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito ng Armed Fores of the Philippines Office of the Assitant Chief of Staff for Civil-Military Operations, G7, Civil Military Operations Regiment (CMOR), LN-4 FOundation, Naked Wolves Philippines, at Venice 66 Fashions Inc. (Vans Philippines).

Sa mga nangangailangan ng wheelchair at prosthetic hand, makipag-uganayan sa GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso Kalusugan Konsulta project sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation.

I-check ang verified badge o blue check ng page para masiguradong ito ang tama at opisyal na account ng GMA Kapuso Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.