GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Tanay, Rizal | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa Tanay, Rizal kung saan tumaas ang kaso ng diarrhea matapos ang bagyong Karding.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Tanay, Rizal

By MARAH RUIZ

Matapos tumama ang bagyong Karding, maraming nagkasakit na mga Dumagat sa Sitio Nayon sa Brgy. Sta Ines sa Tanay, Rizal.

Sumakit ang tiyan at dumanas ng diarrhea ang mahigit 100 residente dito.

"Pagkatapos ng ng bagyo ay para pong may umamoy po na hindi maganda sa tubig," pahayag ni Violeta Vertudez, chieftain ng mga katutubong Dumagat sa Sitio Nayon.

Sa tala ng Municipal Health Office, dalawa na ang binawian ng buhay. Sa imbestigasyon naman ng awtoridad, kontaminadong tubig mula sa bukal ang pinagmulan ng sakit.

Para makapaghatid ng tulong, tinawid ng GMA Kapuso Foundation ang siyam na ilog patungo sa Sitio Nayon.

Nagkaroon dito ng demonstration ng tamang paghugas ng kamay sa ilalim ng Linis Lusog Kapuso Kabataan project.

Sa ilalim naman ng Operation Bayanihan, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng saging, lugaw na may kasamang itlog, toasted bread at tubig.

Alinsunod ito sa BRAT diet na nakakatulong sa pagabalik ng normal na pagdumi.

 

 

Bukod dito, namigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng hygiene kits, vitamins at water purification tablets.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekton ang Philippine Army, 2nd Infantry Division, 80th Infantry Battalion.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.