GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga apektado ng bagyong Paeng sa Maguindanao | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa mga residenteng apektado ng bagyong Paeng sa Maguindanao.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga apektado ng bagyong Paeng sa Maguindanao

By MARAH RUIZ

Lubog pa rin sa bahang dala ng bagyong Paeng ang Brgy. Lower Taviran sa Kabuntalan, Maguindanao.

Kabilang sa mga apektado rito ay si Ada Molod at kanyang mga anak.

"Nag-evacuate kami diyan sa kabilang bahay kasi natakot kami sa ipo-ipo, malakas na tubig at saka ulan," paggunit ni Ada.

Sa ngayong, kailangang gumamit ng bangka o kaya naman lumusong sa tubig-baha ang mga residente.

"Kahit walang bagyo, if ever na mag-ulan sa karatig munisipyo namin ay magkakaroon kami ng baha dito dahil sa kami 'yung sumasalo ng mga baha sa iba't ibang munisipyo," paliwanag ni Adtong Dabpil, barangay kagawad at disaster focal person.

Sa tulay naman ng Brgy. Taviran sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, hindi makadaan ang mga bangkang gamit sa pangingisda dahil sa mga inanod na water lily.

"Nagtutulung-tulungan kami dito. 'Yan, lahat 'yan, nagtutulong-tulong para maalis ito kasi walang madaanan. Hindi kami makahanap-buhay," pahayag ni Eskie Ganso.

Ayon sa ilang residente, sanay sila sa ganitong sitwasyon pero pinsalang dala ng bagyong Paeng ang pinakamalalang naranasan nila sa lugar.

"Nananawagan kami sa different agencies, kung sino man ang gustong tumulong, bayahinan na ito," mensahe ni Datu Ali Untong, kagawad sa Brgy. Taviran, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao.

Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods sa mga residenteng apektado ng bagyong Paeng sa Maguindanao.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Sogo Cares by Hotel Sogo; AFP JTF-NCT; Philippine Army 6th Infantry Division, 54th Engineer Brigade, Naval Forces-Western Mindanao, 54th Engineer Battalion, 6th Civil Military Operations Battalion, 62nd Naval Group Reserve, 1203rd Community Defence Center ng 12 RCDG; Philusa at Rhea Generics.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.