GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Paeng sa Maguindanao del Norte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga naapektuhan ng bagyong Paeng sa Upi, Maguindanao del Norte.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Paeng sa Maguindanao del Norte

By MARAH RUIZ

Ang guro mismo na si Lucia Francis ang naglilinis ng silid-aralan sa Nuro Central Elementary School sa Upi, Maguindanao del Norte matapos itong pasukin ng tubig baha na dala ng bagyong Paeng.

Pinapatuyo rin siya sa labas ng classroom ang mga basang libro at mga upuang naputikan.

Sa loob daw ng 37 taon niyang pagtuturo, ngayong lang nila naranasan ang ganitong kataas na baha.

"Pasalamat na lang talaga kasi gabi nangyari. At least, 'yung mga bata nasa pamilya nila, wala sa amin. Kasi kung nagkataon na nandito sa amin, paano na lang kaya ang tubig? Abot dito sa kili-kili," pahayag ni Lucia na Teacher III sa nasabing paaralan.

Ang Brgy. Nuro ang isa sa pinaka naapektuhan ng bagyong Paeng sa kanililang lugar.

Bilang tulong sa mga residente dito, agad na naghatid ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Operation Bayanihan.

 

 

"Nagpapasalamat po kami sa GMA Kapuso Foundation na nakarating po, kauna-unahang network at saka foundation na dumating po, sa bayan ng Upi," pahayag ni Ahlam Bajunaid, isang social worker para sa Ministry of Social Services and Development-BARRMM, Maguindanao.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Sogo Cares by Hotel Sogo; MRL Cybertec Corp; AFP JTF-NCT; Philippine Army 6th Infantry Division, 54th Engineer Brigade, Naval Forces-Western Mindanao, 54th Engineer Battalion, 6th Civil Military Operations Battalion, 62nd Naval Group Reserve, 1203rd Community Defense Center ng 12 RCDG; Philusa at Rhea Generics.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.