'Kapuso Celebrity Ukay-Ukay' ng GMA Kapuso Foundation, magpapatuloy sa December 16-20 | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Extended ang “Kapuso Celebrity Ukay-Ukay” ng GMA Kapuso Foundation sa Noel Bazaar 2022. 

'Kapuso Celebrity Ukay-Ukay' ng GMA Kapuso Foundation, magpapatuloy sa December 16-20

By JIMBOY NAPOLES

Para sa mga nais pang bumili ng pre-loved items ng inyong paboritong Kapuso celebrities, magpapatuloy ang “Celebrity Ukay-Ukay” ng GMA Kapuso Foundation sa Noel Bazaar 2022 sa Filinvest Tent Alabang ngayong darating na December 16 hanggang December 20. 

Ang lahat ng perang malilikom mula sa “Kapuso Celebrity Ukay-Ukay” ay gagamitin sa educational at disaster relief projects ng GMA Kapuso Foundation. 

Bukod sa magagandang personal items ng Kapuso stars na sina Heart Evangelista, Bea Alonzo, Gabbi Garcia, at Carla Abellana ay mabibili na rin dito ang maraming pre-loved items ng ilang GMA News personalities gaya nina Pia Arcangel, Howie Severino, Nelson Canlas, at award-winning journalists na sina Kara David, Sandra Aguinaldo, at Jessica Soho. 

Nagpapasalamat naman si Kapuso actress at GMA Kapuso Foundation Ambassadress na si Rhian Ramos sa lahat ng tumatangkilik sa “Kapuso Celebrity Ukay-Ukay.”

"Sa lahat po ng nakabili na dito sa 'Celebrity Ukay-Ukay' booth sa Noel Bazaar 2022, maraming salamat po dahil sa purchase niyo ay nakatulong po kayo sa GMA Kapuso Foundation," masayang sinabi ni Rhian sa isang panayam sa 24 Oras. 

Sa mga nais namang mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.