December 19 2022
Magpapasko na ngunit ang mga nasalanta ng Bagyong Karding sa General Nakar, Quezon ay hindi pa rin nakakabangon, kaya naman naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation ng construction materials para sa bubong ng kanilang mga bagong tirahan.
Nasira man ang kanilang bahay, hindi natinag ang paniniwala ng pamilya ni Analyn Almacen sa Panginoon dahil ligtas ang kanyang buong pamilya.
"Habang lumalalim po ang gabi talagang hindi na po kaya ang dating hanggang sa natanggalan na po ng bubong ang aming bahay. Sumilong na lang po kami sa ilalim ng lamesa namin," pagbabalik tanaw ni Analyn sa 24 Oras.
"Basang basa po kami at wala na rin pong bubong ang aming bahay, at wala na rin pong tabing."
Paggawa ng walis tingting ang pinagkakakitaan ni Analyn ngunit pahirapan na rin ito dahil nasira ang mga puno na pinagkukunan niya ng materyal.
"Kapag po lumalakas ang ulan, ang kadalasan po, kami na lang pong mag-iina ang natutulog, at 'yun pong aming tatay, nakaupo na lang. Hindi po kami magkasya doon sa hindi tinutuluan," kuwento ni Analyn.
Bilang maagang pamasko, nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Barangay Umiray sa General Nakar, Quezon, upang tulungan si Analyn at iba pang pamilya na nasalanta ng bagyong Karding na magkaroon ng maayos na bahay.
Matagumpay na nailagay ng GMA Kapuso Foundation, kasama ng volunteers nito at ng Philippine Army, ang mga yero upang magkaroon ng maayos na matutulugan ang mga apektadong pamilya.
"Marami palang nasira na mga kabahayan ang ating mga kababayan dito sa Barangay Umiray kaya ito po 'yung recommended natin na one of the priority areas for 'Silong Kapuso' na project ng GMA Kapuso Foundation," saad ni BGen. Cerilo Balaoro, Jr, ang commander ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Taos-puso naman ang pasasalamat ni Analyn sa GMA Kapuso Foundation sa maagang pamasko na natanggap nila.
"Sana wag po kayong magsawa na tumulong, at libong salamat po sa Diyos na kayo po ay patuloy na ginagamit para po maabot ninyo ang aming mga kaliitan."
Bukod sa construction materials, nagpaabot din ng tulong ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at vitamins sa mga pamilya.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus