Ilang letter senders, binisita muli ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang ilang letter senders na natulungan nito noong 2022.

Ilang letter senders, binisita muli ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Maraming sumusulat sa GMA Kapuso Foundation para humingi ng tulong. Ilan sa mga ito ang nanawagan para sa mga simpleng gamit na makakatulong sa kanilang paghahanap-buhay.

Muling binisita ng GMA Kapuso Foundation ang ilan sa kanila.

 

 

Kabilang dito si Fermina Macallan na humiling at nahandugan ng refrigerator ng GMA Kapuso Foundation noong nakaraang Marso.

Kung dati ay kailangan pa niyang magkalakad nang malayo para makikilagay ng mga paninda niya sa refrigerator ng kapitbahay, ngayon ay maganda na ang kanyang kita sa pagluluto at pagtitinda ng pagkain.

"Dumating kayo, 'yun ang simula hanggang ngayon. Talagang payayabungin ko siya uli ngayon kasi 'pag nag-umpisa ang laro dito, malakas. Nakaka PhP1,000 plus kami noon, PhP1,600 ganyan," kuwento ni Fermina.

Sewing machine naman ang hiniling at inihandog kay Willy Gutaba ng GMA Kapuso Foundation noong June.

Kumikita na siya ngayong ng PhP1,500 kada linggo na malaking tulong para sa pangangailangan ng apat niyang anak na lahat ay may special needs.

"Medyo nadagdagan ng konti 'yung kita, hindi katulad dati. Ito kasing scrub suit talagang piraso na kaya medyo mas malaki," pahayag ni Willy.

Nabigyan naman ng sidecar ang magkapatid na fruit vendors na sina Tommy at Patchao Balangquit. Mas madali na raw nilang naibebenta ang kanilang mga paninda kumpara noong na pinapasan nila ang mga kahon ng prutas.

Bukod dito, nakalipat na rin sila ng bahay at nakabalik na sa pag-aaral.

"Malakas-lakas din po 'yung kita namin. Noong dati po, noong naglalakad po kami, minsan po, masaakit na sa balikat. Nahirapan din po kaming maglakad," paggunita ni Patchao.

Masaya ang GMA Kapuso Foundation na makapagbago ng buhay ng mga natutulungan nito kaya nagpapasalamat ito sa lahat ng partners, donors, sponsors, at volunteers at nangangakong patuloy na maghahatid ng serbisyong tottoo sa taong 2023.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.