GMA Kapuso Foundation, hinatiran ng tulong ang 64-year old na mangangalakal | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa isang 64-year old na mangangalakal mula sa Quezon City.

GMA Kapuso Foundation, hinatiran ng tulong ang 64-year old na mangangalakal

By MARAH RUIZ

Labinlimang taon nang nangangalakal ang 64-year old na si Asuncion dela Cruz mula sa Novaliches, Quezon City.

"Doon ako kumukuha ng ikinabubuhay namin. Ang sabi nga nila ang pera ay nasa basura," pahayag ni Asuncion.

Dalawang apo ang nasa pangangalalga niya, habang may isa siyang apo na namatay nang nasunugan sila noong 2014.

Katuwang niya sa pagkayod ang isang lumang wheelchair na ginawa niyang impovised kariton.

"'Yung manugang ko ang tumulong sa akin. Namamasukan siya bilang katulong. 'Yung isang bisikleta ko konvert ko sa kariton. Nilagyan ko ng isang gulong sa dulo. 'Pag hindi magkasya doon, may baby crib pa ako," paliwanag ni Asuncion.

 

 

 

 

Sa buong araw niyang pagtatrabaho, sumasakit daw ang kanyang katawan. At dahil kapos sa kita, ni minsan ay hindi pa siya nakapagpatingin sa doktor.

Kaya naman agad siyang sinamahan ng GMA Kapuso Foundation sa isang espesyalista para maipasuri.

"Hypertension na stage 2 and of course, chronic low back pain kasi katulad ng naikuwento niya kanina, mabibigat 'yung kanyang binubuhat," paliwanag ni Dr. Rainier Nery Mozo, medical director of internal medicine sa Clearbridge Medical Philippines tungkol sa kundisyon ni Asuncion.

"Wala siyang history ng check up na nasabi kanina so kailangan ma-investigate laht, ma-check natin 'yung fuctions ng iba't ibang organs niya," dagdag pa ni Dr. Mozo.

Hinandugan siya ng GMA Kapuso Foundation ng gamot para sa hypertension.

"Hiniling ko lang po kung mabibigyan ako ng sidecar na pangkabuhayan ko na rin. Malaking bagay sa akin ang kariton, ang side car," lahad ni Asuncion.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Rainier Nery Mozo, Clearbridge Medical Philippines, One Step by Getein and distributed by Mohs Analytics, at Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Asuncion at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.