GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang batang ipinagamot noong 2014 | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang isang batang ipinagamot nito noong 2014 dahil sa malaking bukol sa leeg.

GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang batang ipinagamot noong 2014

By MARAH RUIZ

Sinlaki ng melon at may bigat na isang kilo ang bukol sa leeg ni Mark John Tripoli na tatlong taong gulang lang noong 2014.

"'Pag lumalaki po siya, lumalaki rin po 'yung bukol niya," paggunita ng nanay niyang si Joan Estrada.

"Hindi po siya 'masayahin. Lagi lang po siyang nakatingin sa labas," dagdag pa ni Joan tungkol sa kundisyon ng anak noon.

Inilapit ni Joan sa GMA Kapuso Foundation noong 2014 ang kundisyon ni Mark. Ayon sa isang ENT head and neck surgeon, may cystic hydroma si Mark.

"Ito ay inborn na tumubo sa kanya. Ito ay usually lumalaki at pumapalipot doon sa mga muscle layers ng ating leeg. Kung hindi natin ito naagapan, maaaring nahirapan siya sa kanyang paghinga, paglunok, at pagkain," paliwanag ni Dr. Rene Louie Gutierrez, training officer, EAMC ENT.

Sumailalim agad sa operasyon si Mart at makalipas ang mahigit 8 taon, masigla at masiyahin na siya ngayon. Wala na ang bukol sa kanyang leeg at maayos nang nakakagalaw ang kanyang ulo.

"Malaki ang chance ng recurrence so ito ay dapat talaga mino-monitor. Natutuwa ako at hindi naman naging ganoon 'yung sitwasyon," lahad ni Dr. Gutierrez.

 

 

Muling binista ng GMA Kapuso Foundation si Mark sa tirahan nila sa Baseco, Manila dala ang grocery packs at regalong bagong damit at sapatos.

"Malaking pasasalamat ko inyo, sa mga tumulong po, lalong lalo na po sa GMA Kapuso Foundation," emosyonal na mensahe ni Joan.

"Maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation, kay Tita Mel [Tiangco], kay Dr. Gutierrez ng medical center. Okey po ako ngayon," pasasalamat naman ni Mark.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto nina Dr. Rene Louie Gutierrez, Allied Hospital Supply International Corporation, at Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Asuncion at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.