GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng pap smear at breast exam sa Laguna at Nueva Ecija | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng pap smear at breast exam para sa 200 kababaihan sa Laguna at Nueva Ecija.  

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng pap smear at breast exam sa Laguna at Nueva Ecija

By MARAH RUIZ

Paglalala ng bayong, bag, banig at sombrero pinagkakakitaan ng ilang kababaihan sa Luisiana, Laguna, kabilang dito ang 62-year-old na si Elizabeth Ricarte.

Kumikita siya ng P200 sa 10 to 15 pirasong bayong na nagagawa niya.

"Wala na po akong asawa. May apo po akong minsan po ay nahingi po sa akin ng pera pambaon," pahayag ni Elizabeth.

Pagsasaka naman ng sibuyas ang pinagkakakitaan ng ilang kababaihan sa Bongabon, Nueva Ecija tulad ni Ofhel Mae Acosta.

Apektado raw ang kanilang kita dahil sa pababagong panahon at pati sa pag-atake ng harabas sa kanilang pananim.

Wala rin daw silang cold storage facility na maaring pag-imbakan ng mga naaning sibuyas kaya napipilitan silang ibenta ang mga ito sa murang halaga.

"Kasi ang sibuyas, nagda-dry yan. 'Yung balat na 'yun, pag na-stuck 'yun, 'yun 'yung magko-cause po ng bulok na sibuyas," paliwanag ni Ofhel.

 

 

 



Bilang pakikiisa ng GMA Kapuso Foundation ngayong National Women's Month, nagsagawa ito ng libreng pap smear at breast examination sa 200 kababaihan mula sa Luisiana at Bongabon.

"Through the pap smear, makikita 'yung mga changes doon sa kuwelyo ng matris, kung may inflammation and most importantly kung may changes that may lead to cervical cancer," paliwanag ni Dr. Janete c. Payawal, rural health physician sa Bongabon RHU 2 tungkol sa kahalagahan ng pap smear.

"'Yung pong mga serbisyo pong ito, lalo na po sa mga pampublikong mga pasilidad ay libre naman po," paalala ni Karlou A. Landicho, municipal health officer sa Luisiana, Laguna.

Naghandog rin ang GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, vitamins at hygiene kits para sa mga kababaihan na nagpasuri.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Homelab Medical and Diagnostic Clinic, Aclan Group of Companies, Propan, Colgate-Palmolive Philippines, Del Monte Philippines Inc., Hello Glow, at Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.