March 22 2023
Simula 6:00 a.m., naglalako na ng tinapay, turon, at banana cue si Princess Cristobal na mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Kasama niya sa pagtitinda ang 11-year-old na anak niyan si Ilram na may probelam sa pandinig.
Piso kada stick ng banana cue ang kinikita nila kaya hindi sila tumitigil hangga't maubos ang lahat ng paninda.
Ang tatay ni Princess na si Cristanto ang naiiwan sa bahay para alagaan ang mga bata pero hirap na rin itong makakita.
"'Yung paligid ng mata ko, nag-blur. 'Pag diretso ang tingin ko, malinaw na malinaw. 'Pag ibinaba ko 'yung mata ko, malinaw. Pero 'pag inangat ko na ulit, 'yung nilalakaran ko, hindi ko nakikita," bahagi ni Cristanto.
Hindi sapat ang kita ni Princess para ipagamot ang ama at anak niya kaya sumulat siya sa GMA Kapuso Foundation para idulog ang kundisyon ng mga ito.
Agad namang ipinakunsulta ng GMA Kapuso Foundation sina Crisanto at Ilram.
"Si tatay Crisanto is diagnosed with what we call acute primary angle closure glaucoma. This type of glaucoma po kasi very sudden 'yung manifestation of the disease. For now what we're going to do, we'll still give anti-glaucoma medications," pahayag ni Dr. Mark Angelo Hosaka, glaucoma specialist.
"'Yung angle closure glaucoma walang reason apart from the anatomic or family history of having a glaucoma. For treatment kay sir Crisanto is to make sure na hindi magpo-progress or lalala pa 'yung labo ng paningin," dagdag ni Dr. Hosaka.
Magkaiba naman ang kundisyon ng magkabilang tainga ni Ilram.
"On doing the ear examination sa left ear ni Yamyam, nakita natin may impacted cerumen or namuong ear wax. Sa right side, mukhang may signs of ng infection sa middle ear," pahayag ni Dr. Arjay Franz Joseph Alberto, otorhinolaryngology-head and neck surgery.
"For the impacted cerumen or build up nung ear wax, siguro po 'yung maling paggamit po or paglilinis ng tenga tulad ng cotton bud use. Sa right side naman po, mukhang doon po sa allergic rhinitis. Mayroon tayong medication to control the infection," paliwanag ni Dr. Alberto sa sanhi ng mga iniinda ni Ilram.
May karagdagang payo rin siya sa wastong paraan ng paglilinis ng tainga para maiwasan ang build up ng ear wax.
Hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng mga gamot sina Crisanto at Ilram. Nakatanggap din si Princess ng bagong bike para mas mapabilis ang kanyang pagtitinda. Bukod dito, hinatiran din sila ng grocery packs, hygiene kits, at vitamins.
"Maraming-maraming salamat. Ito nga medyo naiiyak ako dahil 'yung apo ko, matagal ko nang gustong ipagamot. wala lang akong pampagamot. Actually 'yung mata ko kahit ganito, tanggap ko na," pasasalamat ni Cristanto.
Nagbigay rin ng mensahe ng pasasalamat ni Princess na siyang dumulog sa GMA Kapuso Foundation.
"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation na natugunan po 'yung pangangailangan ng anak ko at saka ng tatay ko," aniya.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikisa ng Eurotel, Selecta milk, Dr. Mark Angelo Hosaka, Dr. Arjay Franz Joseph Alberto, at Angelo King Foundation, Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus