April 25 2023
Isang malaking sunog ang sumiklab noong madaling araw ng April 18 sa Brgy. Carmen sa Calbayog, Samar.
Inubos ng sunog ang mahigit 100 bahay sa lugar.
Isa sa mga nasunugan ay si Marcelino Manlangit na nakatira katabi lang ng bahay na pinagmulan ng sunog.
"'Yung kuwarto na 'yun, magkatabi kami ng misis ko, may butas. Sabi ko sa misis ko, 'Ay hindi na ilaw 'yan ah.' Noong may sumugaw na 'Tulong! Tulong!’ pumunta [ako], tinignan ko. Naku, apoy na," paggunita niya.
Mabuti naman at nakaligtas ang buong pamilya ni Marcelino pero lahat ng naipundar niya noong nagtrabaho sa ibang bansa, natupok na.
Kabilang dito ang pinagkakakitaang sari-sari store na naipatayo niya.
"Mahirap talaga. Minsan nga umiiyak ako eh. Wala naman tayong magawa. Hanggang doon lang ang [magagawa] natin eh. Tanggapin na lang," pahayag ni Marcelino.
Kabilang sila sa 215 pamilya na nawalan ng masisilungan sa Brgy. Carmen. Damay rin ang ilang residente ng Brgy. Obrero.
Kasalukuyan namang iniimbistigahan ang sanhi ng apoy.
Para matulungan ang mga residente tulad ni Marcelino, agad na tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Calbayog, Samar sa ilalim ng Operation Bayanihan.
Naghatid ito ng food packs para sa mahigit 860 residente na apektado ng sunog.
"Malaki-laki ang pinsala because tupok talaga ang sunog. Walang casualty, walang mga injured. Kailangan ay basic na mga needs like sa pagtulog, sa pagkain, food and non-food items kayaga ng diaper para sa mga bata," paliwanag ni Betty Jane Arnejo, City Social Welfare and Development Officer sa Calbayog City.
"Nagpapasalamat kami na kahit malayo, napuntahan din kami. Malaking tulong din sa aming mga binigay ninyo," mensahe ni Marcelino.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Army 8th Infantry Division, 3rd Infantry Battalion, 43rd Infantry Battalion; at Selecta Milk.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus