GMA Kapuso Foundation, naghandog ng libreng dental services sa 60 tao | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng libreng dental services tulad ng bunot at paglilinis ng ngipin para sa 60 tao.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng libreng dental services sa 60 tao

By MARAH RUIZ

Noong taong 2017 napansin ng nanay na si Cherovie Otoc na unti-unting rumurupok ang kanyang mga ngipin habang nagpapa-breastfeed.

Gusto niya sanang magpatingin sa dentista pero mas inuna niya ang pangangailangan ng pamilya lalo na at P400 lamang ang kinikita ng kanyang asawang factory worker.

Dahil dito, apektado ngayon ang kanyang pagkain. Hirap siyang ngumuya dahil sa sira at bulok na mga ngipin.

"Pipiliin mo kung saan mayroon ka pang ipin banda, doon ka ngunguya. Ang ginagawa ko talaga, may nakaantabay po na tubig para once na nasiksikan 'pag kumakain, magmumumog ka din," pahayag ni Cherovie.

Kabilang si Cherovie mga nahandugan ng libreng dental services ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Ngiting Kapuso Project.

Katuwang ang CEU School of Dentistry, 60 tao ang nabigyan ng libreng bunot at libreng paglilinis ng ngipin.

 


Inirerekomenda na sumailalim sa dental check up dalawang beses kada isang taong para masilip at agad na maayos ang mga problem sa ngipin.

"Puwedeng 'yung mga impeksiyon ay mag-travel sa iba ibang portals sa loob ng bibig hanggang sa maapektuhan 'yung buong katawan mo. 'yun po 'yung nagiging consequence--puwedeng magkaroon sila ng sepsis, pwedeng bacteremia," pahayag ni Dr. Joann Fontanilla Joven, president ng Philippine Prosthodontic Society.

Ipinaliwanag rin niya ang pagrupok ng ngipin ng breastfeeding mothers tulad ng naranasan ni Cherovie.

"Ang unang una pong hinihingi ng bata ay 'yung calcium. Normally 'pag mababa ang calcium level, 'yung mga ipin po is isa isa nang nawawala, nasisira. Lagi kong sinasabi sa pregnant women, double dose of calcium," paliwanag ni Dr. Joven.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Colgate-Palmolive Philippines, Philippine Prosthodontic Society, Nilo Dental Laboratory, CEU School of Dentistry, at Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.