Estudyanteng may hyperthyroidism, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang 22-year old estudyante na may hyperthyroidism.

Estudyanteng may hyperthyroidism, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Napansin ng 22-year old na si Rosemarie Perez, na mula sa San Jacinto, Pangasinan, ang pagbabago ang kanyang pangangatawan. Akala niya noong una dulot ito sa madalas niyang pagpupuyat dahil sa pag-aaral bilang isang fourth year accountancy student.

"Napansin ko po na nag-iiba po 'yung size noong mata ko. Sabi po nila parang lumuluwa. Hindi po normal sa dati 'yung pagpayat ko," lahad ni Rosemarie.

Nagpakonsulta siya sa doktor at na-diagnose na may hyperthyroidism.

"'Pag sinabi mong hyperthyroidism, 'yung tyhiroid gland gumagawa ng mas maraming hormones. Ang thyroid gland, dito siya located sa leeg. Kung mas maraming thyroid hormones, mas mabilis ang metabolism ng isang pasyente. Ito 'yung nagagamit 'yung lahat ng kinakain mo. Kahit kain sila nang kain, ito 'yung mga pumapayat," paliwanag ni Dr. Jubilia Araceli Balderas de Guzman, head ng Section of Endocrinology sa Region 1 Medical Center.

 

 

Hindi regular na nakakainom ng gamot si Rosemarie at hindi rin nakakabalik sa doctor. Wala kasing pantustos ang nanay niyang si Maribel na mag-isang nagtataguyod sa pamilya.

Dahil dito, sumulat si Maribel sa GMA Kapuso Foundation para idulog ang kalagayan ng anak.

Agad naman itong tinugunan ng GMA Kapuso Foundation at ipinasuri si Rosemarie.

"May tatlong paraan ng treatment ng hyperthyroidism. Una ay gamot, pangalawa ay opera, pangatlo 'yung tinatawag natin pong radioactive iodine treatment. Lahat kailangan dumaan muna sa gamutan," bahagi ni Dr. de Guzman.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Selecta Milk, Region 1 Medical Center, Dr. Jubilia Araceli Balderas de Guzman, at Singapore Diagnostics.

Ngayong International Thyroid Awareness Week, nangangailangan ng tulong si Rosemarie para sa pagpapatuloy ng kanyang gamutan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Rosemarie at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.